Oktubre 8, 2019, Daet, Camarines Norte – Matagumpay na naiuwi ng Pamhalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office ang “Special Award for the Best Tourism Event – Commemorative to Historic Event” para sa Bantayog Festival.
Ang nasambit na parangal ay mula sa Association of Tourism Officers of the Philippines- DOT Pearl Awards.
Ginanap ang pagpaparangal sa Paoay Church, Ilocos Norte nitong nakatalikod na Oktubre 5, 2019.
Personal na tinanggap ni Camarines Norte 1st District Representative Josie Baning Tallado sa ngalan ni Gov. Egay Tallado ang naturang parangal kasama si Provincial Tourism Officer Mariano “Bong” Palma na nakabilang naman sa mga finalists para sa Best Tourism Officer in the Philippines ng nasambit na award giving body.
Itinampok sa naturang patimpalak ang ipinagdiwang sa lalawigan na 99th Founding Anniversary at 15th Bantayog Festival na may temang “Nagkakaisang Camnorteńo Tungo sa Bagong Siglo” nitong nakatalikod na Abril 02-Mayo 06 ng taong kasalukuyan kung saan ipinamalas ang karangalan, pagkamakabayan at pagkakaisa ng mga CamNorteño tungo sa kaunlaran kasabay ng pagsariwa sa mga makabuluhang pangyayari sa kasaysayan ng lalawigan na nauwi sa pagkakamit ng kalayaan.
Nabatid na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ng nasambit na parangal ang lalawigan ng Camarines Norte.
Camarines Norte News
Photo courtesy of Provincial Tourism Office