Oktubre 10, 2019, Daet, Camarines Norte – Nilinaw ng Camarines Norte Provincial Health Office na walang kaso ng Meningococcemia sa lalawigan.
Sa panayam ng Cool Radio News Fm sa palatuntunang Dyaryo sa Cool Radio kay Dr. Arnel Francisco, sinabi nito na walang kumpirmadong kaso ng Meningo sa Camarines Norte taliwas sa kumakalat na balita sa social media na isa umanong batang pasyente sa isang pribadong ospital ang nagpositibo sa nasambit na impeksiyon.
Base sa kanilang pagsisiyasat sa lahat ng ospital sa lalawigan, napag alamang isang tatlong taong batang pasyente ng Daet Doctors Hospital (DDH) ang inirefer sa Bicol Medical Center nitong nakatalikod na araw ng Martes dahil kinakitaan ito ng mga sintomas ng naturang impeksiyon subalit hindi pa umano ito kumpirmado.
Wala ring dapat ikabahala dahil kahit na sintomas lamang ito at kalahating araw lamang na naconfine ang bata sa naturang ospital ay agad ding nagsagawa ng preventive measures sa mga health personnel gayundin sa mga pasyente at mga bantay na nakasama ng bata sa ward ayon na din sa pamunuan ng DDH.
Ayon pa sa Doktor, hindi naman dapat maalarma ang publiko dahil kanilang tinutukan ang nasambit na suspected case at magbibigay ng update sa publiko.
Magugunitang kamakailan ay napabalitang isang ginang mula sa Batangas City ang nagpositibo sa nasabing impeksiyon subalit ang nasabing ginang ay galing sa ibang bansa at hanggang ngayon ay inaalam pa kung saan talaga nito nakuha ang impeksiyon.
Camarines Norte News