DAGDAG SUBSIDIYA PARA SA MGA BRGY TANOD SA BAYAN NG DAET, ISINUSULONG SA SANGGUNIANG BAYAN!

Oktubre 21,2019, Daet, Camarines Norte  – Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Daet ang pagdaragdag sa subsidiya para sa mga Barangay Tanod sa 25 na barangay ng naturang bayan.

Sa ginanap na 39th Regular Session ng SB ngayong araw, iprinesenta ni Konsehal Nestor Dalida ang kaniyang resolusyon na humihiling sa Local Chief ExecutiveMayor Benito “B2K” Ochoa na madagdagan ng isandaang piso (Php 100.00) ang tatlong daang pisong buwanang (Php 300.00) subsidiya ng Lokal na Pamahalaan para sa honorarium ng mga Barangay Tanod sa bayan ng Daet.

Ayon kay Dalida, napapanahon na para magkaroon ng pagtaas sa natatanggap na honorarium ng mga barangay tanod na isa umano sa mga public servants na may pinakamababang natatanggap na honorarium sa kabila ng mahirap na trabaho ng mga ito kung saan ang ilan pa aniya ay napapahamak sa pag ganap ng tungkulin.

Naniniwala umano ang konsehal na bagaman maliit na halaga lamang ang hinihinging dagdag ay makapagpapataas naman ito ng moral ng mga tanod para na rin makapagserbisyo ang mga ito ng mas maayos.

Nagpahayag naman ng suporta ang konseho subalit ipinagpaliban ang pag apruba dito dahil sa usapin ng budget.

Ayon kay Konsehal Marlon Bandelaria, bagaman maganda ang hangarin ng proponent na nais din naman ng nakararami ay mas marami pa aniyang mga bagay na dapat unang paglaanan ng pondo na limitado lamang tulad na lamang ng nakabinbing pagtaas ng sweldo ng mga Job Order employees ng LGU na matagal ng isinusulong.

Inirekomenda naman ng Presiding Officer sa katauhan ni Vice Mayor Rosa Mia King na talakayin ang nasambit na kahilingan at mga concerns ng konseho na may kaugnayan dito sa isasagawang budget hearing upang matukoy kung mapaglalaanan ito ng budget at upang malaman din kung kailangan na nga itong iappeal sa alkalde ng bayan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *