Oktubre 29, 2019, Daet, Camarines Norte – Ipinaabot ni Daet Mun. Councilor Marlon T. Bandelaria ang kaniyang pagkabahala sa umanoy kawalang aksiyon ng ilang opisyal ng barangay ukol sa mga kaso ng pagbebenta ng alak sa mga estudyante ng ilang establisyemento sa bayan ng Daet kahit na oras ng klase.
Sa ginanap na 40th Regular Session ng Sangguniang Bayan ng Daet kahapon, nagbigay ng privilege speech ang nasambit na konsehal matapos umanong magpaabot sa kanya ng reklamo ang ilang concerned citizens ukol sa pagpayag umano ng isang business establishment sa isang barangay na uminom ng alak ang mga menor de edad at mga estudyante na bitbit pa ang kanilang mga school bag sa oras ng klase.
Nakaka abala din umano sa mga kalapit na establiyemento dahil may mga pagkakataon na nag aaway pa ang mga ito kapag napaparami na ang inom.
Ayon sa kanyang pagsasaliksik, kainan lamang umano ang business permit ng establisyemento dati subalit ngayon ay nagseserve na ito ng alak, bagay na nakakabahala dahil malapit pa naman umano ito sa paaralan.
Naipaabot na din umano ang nasambit na concern sa barangay subalit dahil sa kawalang aksiyon ay ipinaabot na ito sa lebel ng sangguniang bayan.
Dagdag pa ng konsehal, maraming ordinansa na nagtatakda ng pagbabawal sa mga nasambit na gawain subalit tila naisasantabi ito.
Nagbigay naman ng komento si SK Municipal Federation President at Councilor Judy Rose Gallardo na bagaman maraming ordinansa na nasusulat upang maaddress ang nasambit na problema, siguro aniya ay nagkakaroon ng pagkukulang sa pagpapatupad nito.
Nararapat aniya na mas maging agresibo at dedicated ang mga tagapagpatupad ng batas upang malutas na ito dahil marami na rin naman aniyang effort ang SB pagdating sa legislation.
Mungkahi naman ni Councilor Felix Abaño na gawin na agad agad ang pagri-raid sa mga inuman at mga kahalintulad na establisyemento sa tulong ng Daet PNP, MSWD, Media at kasama rin ang Mayor’s Office dahil matagal na umanong problema ito na nangyayari din sa ilan pang barangay.
Iminungkahi din nito na isabay sa pagdiriwang ng Linggo ng mga Tanod ang information dissemination upang mapaalalahanan ang mga may ari ng negosyo ukol s apagsunod sa mga ordinansa.
Suhestiyon naman ni Councilor William “Bong” Avila na imbitahan ang hepe ng Daet PNP sa Sangguniang Bayan upang maipaabot ang nasambit na isyu at nang mabigyan na din to ng karampatang aksiyon.
Sa huli ay nagpahayag si Konsehal Bandelaria na ang nasambit na privilege speech ay naglalayon lamang na mapigilan ang pagkalulong ng mga kabataan sa alak at mga bisyo lalo na at ang alam aniya ng mga magulang ng mga estudyante ay pumapasok umano ang mga ito sa paaralan.
Camarines Norte News