HINIHINALANG LIDER NG TERORISTANG GRUPONG NPA, ARESTADO SA BAYAN NG LABO!

Nobyembre 4, 2019, Daet, Camarines Norte – Arestado ang isang pinaghihinalaang lider ng teroristang NPA  sa Barangay Malasugi, bayan ng Labo nitong nakatalikod na ika-18 ng Oktubre 2019.

Kinilala ang suspek na si Ruel Villaraza y Dacillo alyas Laden/Rene/Tom o Tomas, 37 anyos, residente ng Barangay Malaya, Labo, Camarines Norte

Base sa tala ng kinauukulan, nadakip si Villaraza sa bisa ng Warrant of Arrest na ibinaba ng Regional Trial Court Camarines Norte para sa 3 counts ng kasong frustrated murder sa ilalim ng CC#18-3422, CC#18-3435 at #CC3436.

Positibong namataan ang nasabing akusado sa nangyaring pananambang ng mga rebelde sa kapulisan ng Barangay Daguit, Labo Camarines Norte nitong nakatalikod na ika-dalawa ng Disyembre taong 2017.

Dapatunayan din umanong  sangkot ang suspek sa malawakang “extortion” o pangingikil sa mga residente sa mga barangay sa bayan ng Camarines Norte.

Nagpapasalamat naman ang pinuno ng 902nd Infantry Brigade na si Col Rommel K. Tello sa mga residente na nakipag-ugnayan sa kanila upang madakip ang nasabing rebelde.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga sibilyan na huwag nang sumali pa sa armadong pakikibaka sapagkat ang mga lider lamang ng kilusan ang nakikinabang at umaangat ang buhay samantalang ang mga miyembro ng grupo ay patuloy na pinaghihirap ng hindi pantay na pamumuhay sa loob ng teroristang hukbo.

Hinikayat din ng pinuno ang mga rebelde na samantalahin ang programa ng gobyerno sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ng pagbabalik loob sa pamahalaan.

Nasa kustodiya na ng Labo Municipal Police Station ang nadakip na suspek para sa kaukulang disposisyon.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *