
Disyembre 26, 2019, Daet, Camarines Norte – Muling nagpaalala ang Camarines Norte Provincial Health Officena mas mahalagang salubungin ang nalalapit na Bagong Taon nang masaya, buo ang katawan at walang pinsala.
Magugunitang kamakailan lamang ay nagsimula nang magsagawa ng monitoring ang Department of Health (DOH)at ProvincialHealth Office (PHO) kaugnay sa Aksiyon Paputok Injury Reduction o APIR sa lalawigan.
Samantala, batay sa tala ng Health Emergency Management Staff (HEMS) ng Camarines Norte Provincial Hospital, mayroon ng isang kaso ng biktima ng ilegal na paputok ang naoperahan dahil sa pag gamit ng isang uri ng paputok ilang araw bago ang Kapaskuhan.
Nabatid na nitong nakatalikod na taon pa nabili ng biktima ang paputok subalit ngayon lamang ginamit at sa kasawiang palad ay matinding pinsala sa kamay ang inabot nito.
Upang maiwasan ang katulad na insidente, hinimok ng nasambit na opisina ang publiko na itaguyod na lamang ang Community Fireworks Display.
Mas mainam din umano ang lumikha na lang ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata at iba pa.
Maaari ding makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert at mga palaro.
Samantala, mas paiigtingin naman ng ahensiya ang monitoring sa mga paputok ilang araw bago ang pagsalubong sa 2020 katuwang ang iba pang ahensiya ng Pamahalaan tulad ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Camarines Norte News

