Enero 2, 2020, Daet, Camarines Norte – Bumulaga sa kasentruhan ng Daet partikular na sa Felipe Segundo St. ang sandamakmak na basura matapos ang pagsalubong sa bagong taon 2020.
Bago pa sumikat ang araw kahapon, Enero 1, 2019 ay naglibot ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pangunguna ni Mayor Benito Ochoa sa kasentruan ng bayan kung saan tumambad sa kanila ang mga basura na karamihan ay mula sa mga tindahan ng prutas na pinayagang magtinda sa nasambit na lugar.
Labis namang ikinadismaya ng ng mga lokal na opisyal ang tila pagsasawalang bahala ng publiko sa kanilang mga paalala bago pa man sumapit ang holiday season.
Samantala, sa pangunguna ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO)ay agad na sumabak sa paglilinis at pagkalap ng mga basura ang mga kawani ng LGU upang hindi na abutan pa ng araw ang kalat.
Bago sumikat ang araw ay wala ng bakas ng basura ang nasambit na kalsada maging ang paligid ng Daet Public Market at kasentruhan ng bayan.
Camarines Norte News