Enero 10, 2020, Daet, Camarines Norte – Nagbabala si PCol Marlon Tejada, hepe ng pulisya sa lalawigan ng Camarines Norte, sa lahat ng mga miyembro ng kapulisan sa kanyang nasasakupan na huwag pumasok sa alinmang sabungan sa lalawigan. Pahayag ito ni Tejada sa kanyang pagdalo sa Multi-Services Caravan sa bayan ng Mercedes kamakalawa.
Anya, hindi lamang ang mismong pulis ang pananagutin at masasampahan ng kasong administratibo, kundi maging ang hepe nito saan man sya nakaditene.
Ang pagpasok ng kapulisan sa anumang pasugalan ay matagal nang mahigpit na ipinagbabawal hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa.
Nanawagan ang nasabing opisyal ng pulisya sa mamamayan na agaran sa kanilang ipagbigay alam sakaling may makitang pulis na nasa loob ng sabungan. At kung sakaling maaaktuhan, agaran itong sasampahan ng kaukulang kaso.
One-Strike-Policy ang ipatutupad ni Provincial Director Tejada at hindi na pagbibigyan pa ng panibagong pagkakataon, dahil matagal na rin naman anya itong ipinatutupad sa bansa.
Rodel M. Llovit
Camarines Norte News