March 19, 2020
Binigyang-linaw ni Unified Incident Commander Atty. Don Culvera na ang mga kataong hinarang na sakay ng itim na van kaninang hapon sa checkpoint sa Brgy. Lag-on sa bayan ng Daet ay mga naistranded sa checkpoint sa bahagi ng Tabugon, Sta. Elena sakay ng mga sasakyan na nanggaling sa Metro Manila.
Sa isinagawang press briefing para sa COVID-19 update sa lalawigan ngayong hapon, inilahad ni Atty. Culvera na ang naturang sasakyan ay ni-request umano ng U.S. Embassy upang pauwiin na ang mga misyonaryong Mormons pabalik sa kanilang bansa mula sa Camarines Norte. Sa pagbalik umano ng sasakyan sa lalawigan ay wala itong sakay hanggang sa makarating ito sa nasabing checkpoint at ipinasabay na rito ang naturang mga stranded kasama ang isang nagmula sa bansang Japan.
Nilinaw ni Atty. Culvera na pawang mga taga Camarines Norte ang mga naturang sakay at nagkaroon lamang ng hindi pagkakaintindihan nang harangin ito sa bahagi ng Daet na naayos din kinalaunan.
Samantala, naka-home quarantine na ngayon ang mga kataong sakay ng naturang van at mino-monitor din ito ng mga barangay officials.
Magugunita sa executive order na inilabas ni Gov. Edgardo Tallado kaugnay sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine ay papayagan lamang makapasok sa lalawigan ay mga taga Camarines Norte at kung makakapagpakita ang mga ito ng valid IDs o mga dokumento bilang patunay.
Edwin Datan, Jr
Camarines Norte News