PONDO NG MGA BARANGAY, PINAGAGAMIT NA PARA SA MGA APEKTADO NG ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE

March 19, 2020

Inatasan na ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ang mga alkalde ng 12 munisipalidad sa lalawigan na abisuhan ang mga barangay na kanilang nasasakupan, partikular na ang mga barangay officials na gamitin na ang kanilang pondo upang tumulong sa mga residenteng apektado ng ipinatutupad ngayong Enhanced Community Quarantine dahil sa bantang dulot pa rin ng COVID-19.

Sa isang pahayag sa isinagawang press briefing kaugnay sa estado ng COVID-19 sa lalawigan, sinabi ni Unified Incident Commander Atty. Don Culvera na dapat na umanong kumilos ang mga barangay at gamitin ang Quick Response Fund (QRF) at kung maaari ay iba pang pondo nito lalo na sa mga umaasa lamang sa pang araw-araw na kita sa paghahanapbuhay.

Bagama’t may kakayahan umanong tumulong ang mga lokal na pamahalaan ng bawat bayan at ang mismong pamahalaang panlalawigan ay sinabi nitong dapat manggaling muna sa mga barangay ang magiging pagkilos upang mas magamit ang pondong nakalaan dito.

Dagdag pa ni Atty. Culvera na sa mga pagkakataong ito ay dapat ipakita ng mga barangay officials ang kanilang magiging diskarte kung paano tutugon sa pangagailangan ng mga nasasakupan sa kabila ng kinakaharap na krisis.

Siniguro naman ni Atty. Culvera na nakahanda ang lokal na pamahalaan maging ang pamahalaang panlalawigan sakaling may mga barangay na humingi ng pag-alalay mula sa kanila.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

(pctto)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *