QUARANTINE PASS, HINDI NA KAILANGAN NG MGA EMPLEYADO NG MGA ESTABLISYIMENTONG PINAHIHINTULUTAN MAG-OPERATE SA LALAWIGAN

March 20, 2020

“Company ID and Certification of Employment should be enough”, ito ang naging pahayag ni Unified Incident Commander Atty. Don Culvera tungkol sa usapin ng mga empleyado o skeletal workforce ng mga establisyimentong nagbibigay ng basic services and commodities na dumadaan sa mga quarantine checkpoints sa lalawigan.

Sa isinagawang press briefing ngayong hapon, nilinaw ni Atty. Culvera na hindi na kailangan pa ng “working pass” o ang ipinamamahaging “quarantine pass” ng isang empleyado at kailangan lamang na ipakita nito ang kanyang company ID at certification of employment sa mga dadaanan nitong checkpoints patungo sa kanyang trabaho.

Pasok dito ang mga may pwesto o nagtatrabaho sa public markets, mga empleyado ng supermarkets, groceries, convenience stores, hospitals, medical clinics, pharmacies and drug stores, food preparation and delivery services, water-refilling stations, manufacturing and processing plants of basic food products and medicines, banks, money transfer services, power, energy, and telecommunications supplies and facilities na pawang nakasaad sa guidelines ng Enhanced Community Quarantine na inilabas ng Malakanyang.

Samantala, kaugnay naman sa mga ipinamamahagi na Quarantine Pass ng mga barangay, sinabi ni Lt. Col. Reynaldo Reyes, Incident Commander na maaaring magamit ng mga residenteng hindi taga-Daet ang ibinigay sa kanilang Quarantine Pass sa mga quarantine checkpoints kung sila ay may magtutungo sa mga establisyimentong nag-ooperate sa bayan ng Daet.

Sinabi ng opisyal na dahil karamihan ng mga essential establishments tulad ng mga banko at ospital ay nasa kabisera ng lalawigan ay papayagan nilang magamit ang mga quarantine pass ng mga naninirahan sa ibang mga bayan kung pupunta sa mga establisyimentong pinayagang mag-operate ng pamahalaan.

Siniguro naman ni Lt. Col Reyes na mahigpit nilang binabantayan ang mga pasyalan na maaaring puntahan ng mga susubukan lang pumuslit papasok sa naturang bayan.

Sa huli ay muling ipinaalala ni Atty. Culvera na walang anumang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte ang may lockdown, at pinatatalima ang lahat sa mga kailangang pagdaanang panuntunan sa mga checkpoints sa buong lalawigan kung babyahe.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *