March 22, 2020

Hindi na umano susundo ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ng mga nai-stranded sa Maynila at iba’t ibang lalawigan pabalik ng Camarines Norte.
Sa isang press briefing ngayong tanghali, sinabi ni Atty. Don Culvera, Unified Incident Commander na wala na umang operasyon ng pagsundo sa mga humihingi ng tulong, partkular na sa social media ng mga taga-Camarines Norte umano na nai-stranded bunsod ng pagsasara ng kanilang mga kumpanya o pinapasukang trabaho at naglalakad pabalik ng lalawigan.
Bagamat hindi pa opisyal at pinag-uusapan pa lamang ay tinitignan na umano nila ang posibilidad na gawing quarantine area ang isang lugar sa bahagi ng Tabugon, Sta. Elena para sa mga na-stranded na babantayan ng pulis, militar, at health workers kung saan ang mga mapapatunayang mga residente ng Camarines Norte ay kailangang sumailalim sa 14 na araw na quarantine sa naturang lugar.
Dagdag pa ni Atty. Culvera na mahigpit nilang binabantayan ang dalawang checkpoints sa bahagi ng Tabugon, Sta. Elena at Tuaca, Basud sa mga magtatangka pa ring pumasok sa lalawigan. Kailangan umanong makapagpakita ang mga ito ng mga valid IDs o dokumento na nagpapatunay na sila ay mula sa Camarines Norte at kung wala ay hindi umano papapasukin ang mga ito.
Samantala, inatasan naman ng pamahalaang panlalawigan ang bawat barangay, gayundin ang mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) na regular na bisitahin ang lahat ng Persons Under Monitoring (PUMs) at siguruhing naka-home quarantine ang mga ito,
Binalaan din na posibleng managot sa batas at makulong ang mahuhuling PUMs na hindi sumusunod sa panuntunan at hindi nagsasagawa ng kaukulang home quarantine.
Sa huling datos na inilabas ng Department of Health – Region V ay umaabot sa 14,623 ang binabantayang PUMs sa lalawigan ng Camarines Norte.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News
(photo credits: Peewee Bacuno)