March 23, 2020
Nasampolan ng mga otoridad ang ilang residente sa bayan ng Mercedes makaraang mahuli ang mga ito dahil sa paglabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa isang Facebook post ng Mercedes Municipal Police Station, hapon nitong Marso 22, 2020 ay nag-ikot-ikot ang mga personahe ng Mercedes MPS sa ilang mga barangay sa naturang bayan na nagresulta sa pagkakahuli sa 54 na kataong nakatambay at pakalat-kalat sa lansangan, habang 8 naman ang lumabag sa suspension ng mass transportation.
Dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya at dahil ito ay first offense pa lamang ay reprimand o pinagsabihan ang mga ito ukol sa panganib na dulot ng paglabag sa ECQ at ang posibilidad na makulong ang mga ito kung susuway muli.
Ayon kay PCapt. Arkhemedes C. Garcia, Chief of Police ng Mercedes MPS, mahigpit ang kanilang isinasagawang pagpapatupad sa mga guidelines ng ECQ at regular din ang kanilang monitoring na ginagawa sa bayan ng Mercedes.
Payo pa ng opisyal na sana’y sundin ng mga residente ang mga panuntunan na kanilang ipinatutupad upang maiwasan ang panganib na dala ng COVID-19.
Edwin Datan, Jr
Camarines Norte News
(photo courtesy: Mercedes Mps Cnppo)