March 22, 2020
Hindi umano pahihintulutan ng pamahalaang panlalawigan na maipatupad ang ilang nakasaad sa Executive Order (EO) na inilabas ng pamahalaang lokal ng Daet kaugnay ng guidelines ng Enhanced Community Quarantine sa naturang bayan.
Sa pahayag ni Unified Incident Commander Atty. Don Culvera sa isang press briefing, sinabi nito na walang ipatutupad na window hours para sa mga taga-ibang bayan na nagnanais na magtungo sa bayan ng Daet para sa kanilang mga mahahalagang transaksyon sa mga bukas na establisyimento.
Batay kasi sa naunang inilabas na guidelines ng lokal na pamahalaan ng Daet ay magkakaroon lamang ng oras mula 10:01 A.M. hanggang 2:00 P.M. ang mga taga ibang bayan para makapasok sa bayan ng Daet at pumunta sa mga bukas na establisyimento.
Ayon kay Atty. Culvera, hindi umano magiging madali para sa mga taga ibang bayan partikular na ang mga manggagaling sa malalayong lugar kung bibigyan lamang sila ng window hours.
Nilinaw din ng opisyal na hindi na kailangan pa ng working pass para sa mga empleyado o trabahador ng mga establisyimentong bukas taliwas pa rin sa nakasaad sa naturang EO. Sapat na umano ang company ID at certificate of employment na dapat ipakita sa mga daraanang quarantine pass para makapunta ang mga ito sa kanilang mga trabaho.
Sa huli ay sinabi ni Atty. Culvera na ang dapat at tanging susundin lamang ng lahat ng munisipalidad ay ang direktibang nagmumula sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte upang maging uniformed umano ang pagpapatupad nito sa buong lalawigan at maiwasan ang kalituhan sa mga mamamayan.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News