Marso 27, 2020, Daet, Camarines Norte. Naitala na sa kabikulan ang unang tatlong kaso nito ng COVID-19, ito ay ayon na rin sa opisyal na pahayag ng Department of Health Region 5 ngayon lamang na gabi.
Ayon sa pahayag ng DOH, kasalukuyan ngayong naka-confine ang dalawang pasyente sa Bicol Regional and Training Hospital sa lungsod ng Legazpi at isa naman sa Bicol Medical Center sa lungsod naman ng Naga.
Samantala, napag-alaman naman ang edad ng tatlong pasyente na pawang mga nasa 50, 53, at 48 taong gulang. Maliban sa edad ay wala nang binahaging detalye ang DOH sa kanilang pagkakakilanlan.
Patuloy naman ang isinasagawang “contact tracing” ng nabanggit na ahensya sa pakikipagtulungan na rin sa mga LGUs upang matukoy ang mga posibleng nakasalamuha at mga lugar na pinuntahan ng mga nasabing pasyente.
Muli ring pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na sundin ang mga patakaran ng Enhanced Community Quarantine at iwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa COVID-19.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News