Ika-apat na kaso ng COVID-19 sa Kabikulan, kinumpirma ng DOH

Marso 28, 2020, Daet, Camarines Norte. Pormal nang kinumpirma ng Department of Health-Bicol ang ika-apat na kaso ng COVID-19 sa rehiyon kaninang hapon. Ito ay ayon sa Press Release na ipinalabas ng ahensya tungkol sa COVID-19 monitoring nito sa Bicol.

Napag-alaman na ang ika-apat na COVID-19 positive sa rehiyon ay isang 60 taong gulang na babae sa probinsya ng Albay. Ayon sa tracking ng DOH, mula Metro Manila ay dumating sa kabikulan ang nasabing indibidwal nitong Marso 10, 2020 at nagpakonsulta sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital nitong Marso 21, 2020 matapos makaranas ng lagnat at ubo na siyang sintomas ng COVID-19.

Sa pakikipagtulungan sa mga LGUs ay patuloy na nagsasagawa ng contact tracing ang DOH sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente nitong mga nakaraang araw.

Samantala, patuloy naman na hinihikayat ng nasabing ahensya ang publiko na magtiwala lamang sa opisyal na mga impormasyon na kanilang ipapalabas tungkol sa COVID-19 monitoring. Ang pagkakalat rin ng mga pekeng impormasyon at maging ang mga identity ng mga PUI, PUM, at mga pasyenteng positibo sa COVID-19 ay isang paglabag at may kaakibat na kaparusahan sa ilalim ng batas.

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *