Abril 6, 2020, Daet, Camarines Norte. Naitala sa lungsod ng Naga ang pinakaunang kaso ng pagkamatay sa kabikulan dahil sa sakit na COVID-19, ito ay ayon sa pahayag ni Mayor Nelson Legacion, ang alkalde ng lungsod.
Ayon sa opisyal na pahayag ng alkalde, Abril 2, 2020 ng dalhin sa ospital ang nasabing pasyente dahil sa lagnat, hirap sa paghinga, at pananakit ng dibdib, at agad na isinailalim sa swab test upang malaman kung ito nga ay may COVID-19.
Binawian ng buhay ang pasyente kinabukasan ng Abril 3, 2020. Kaninang umaga (Abril 6, 2020) ay nakumpirma ng City government ng Naga sa DOH-Bicol na ang nasawing pasyente ay positibo sa COVID-19. Dahil dito, agad na isinailalim sa quarantine ang lahat ng indibidwal na may primary at secondary contact sa pasyente.
Samantala, agad namang isinailalim sa cremation ang nasabing indibidwal matapos itong bawian ng buhay. Agad ring ipinatupad ang lockdown sa Barangay Calauag sa lungsod ng Naga na siyang address ng nasawing pasyente.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News

