UNANG DALAWANG KASO NG COVID-19 SA BAYAN NG DAET, NAITALA!

UNANG DALAWANG KASO NG COVID-19 SA BAYAN NG DAET, NAITALA!

Hulyo 4, 2020, Daet, Camarines Norte. Dalawang panibagong kaso ng COVID-19 ang naitala ngayon sa bayan ng Daet, Camarines Norte base sa pinakahuling ulat ng Department of Health Bicol. Ang dalawang panibagong kaso ang ika-149 at 150 kaso ng COVID-19 sa rehiyong Bicol.

Ayon sa impormasyon mula sa DOH, si Bicol #149 ay 37 taong gulang habang si Bicol #150 naman ay 27 taong gulang. Ang dalawa ay parehong lalake at dumating sa bayan ng Daet mula Metro Manila nitong Hunyo 26, 2020. Nagsimulang makaramdam ng sintomas ang mga nabanggit na pasyente isang araw matapos silang dumating sa bayan ng Daet.

Samantala, ayon naman sa nakalap na impormasyon ng aming news team mula sa LGU Daet hindi mga residente ng bayan ng Daet ang dalawang napaulat na nagpositibo. Ang dalawa ay mga electrician na dapat sanay magtatrabaho sa isang ginagawang mall sa bayan ng Daet. Ang mga ito ay agad na sinundo at idiniretso sa quarantine facility kung kaya’t hindi na umano ang mga ito pa nakagala sa bayan.

Kasalukuyang inaasikaso na ng Pamahalaang Lokal ng Daet ang pagdadala sa mga ito sa Labo District Hospital upang mabigyan ng sapat na atensyong medikal. Sa kabuuan ay anim na kaso na ng COVID-19 ang naitatala sa lalawigan ng Camarines Norte. 

Samantala patuloy naman ang paalala ng mga otoridad na patuloy na sundin ang mga minimum health standards upang makaiwas sa COVID-19.

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *