ABNORMAL NA PAGKAMATAY NG ILANG MGA ALAGANG BABOY SA BAYAN NG STA. ELENA, NAGPOSITIBO SA AFRICAN SWINE FEVER.

Matapos ang napakaraming buwan na pag iingat at pagbabantay upang di makapasok ang African Swine Fever sa ating lalawigan ay nagtapos na ito.

Kahapon, August 27, 2020, opisyal na ipinahayag ni Gov. Egay Tallado ang kaso ng African Swine Fever sa bayan ng Sta. Elena.

Sa kanyang pahayag nitong nakaraang lunes, August 24, 2020 ay may nakarating na balita sa kanyang tanggapan na mayroong sunod sunod na hindi pangkaraniwang pagkamatay ng mga alagang baboy sa isang barangay sa bayan ng Sta. Elena.

Agaran namang pinapunta ng Gobernador ang mga panlalawigang beterinaryo upang alamin at suriin kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa lugar.

Sa pag iimbestiga ng mga beterinaryo, kanilang nalaman na mahigit isang linggo na rin palang nangyayari ang abnormal na pagkamatay ng mga alagang baboy sa lugar at nitong kalahatian lamang ng buwan ng hulyo merong mga taga labas ng lalawigan na namimili ng mga baboy sa kanilang barangay. Nabalitaan rin ng mga residente roon na meron na ring mga namamatay na baboy sa mga karatig barangay na sakop na ng lalawigan ng Quezon.

Nagpadala ang mga beterinaryo ng mga samples ng parte ng baboy sa Regional Animal Disease Diagnostic and Reference Laboratory sa Camalig, Albay at agad namang nagpaabot ng resulta si Director Rodel Tornilla ng DARFO 5 na positibo nga sa African Swine Fever Virus ang mga ipinadalang sample.

Pinaaalam naman ng Gobernador na nakahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan sa ganitong pagkakataon na tayo ay mapasok ng African Swine Fever. Tanging ang kanyang kahilingan lamang sa lahat ay ang pagkakaisa at pagsunod sa mga alituntuning ilalatag ng Pamahalaan upang agad na matapos ang bagong problemang ito.

Camarines Norte News,

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *