Sugatan ang apat na katao sa nangyaring bangaan ng tricycle at motorsiklo dakong alas 4: 30 ng hapon kahapon sa Purok 5, Brgy. Matnog, Basud, Camarines Norte.
Batay sa impormasyon, minamaneho ng isang 25-anyos na binata ang tricycle sakay ang dalawang iba pa na pawang mga residente ng Brgy. San Pascual sa naturan ding bayan nang mag- overtake ang mga ito sa isa pang motorsiklo nang hindi gumagamit ng signal light.
Dahil dito aksidente nitong nabangga ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang BADEVCO employee.
Nagtamo ng injury sa iba’t- ibang bahagi ng katawan ang parehong driver gayundin ang mga pasahero ng tricycle na isinugod ng mga rumispondeng PNP at MDRRMO personnel sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Nagresulta rin ito ng hindi pa mabatid na pinsala sa mga sangkot na behikulo.
Sa pag- iimbestiga ng pulisya, inamin umano ng driver at mga pasahero nito na pawang nakainom sila ng alak.
Sa datos ng Basud Municipal Police Station mula Enero hanggang Agosto, mahigit kumulang 40 ang mga naitalang aksidente sa kalsada ang naganap sa naturang bayan na mas mababa kumpara noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang 1 ang namatay, 16 ang damage to property at 21 physical injury.
Ilan umano sa mga rason ng aksidente ay dahil sa pag- inom ng alak, mabuhanging kalsada, at pagala- galang aso.

