Kasunod ng naitalang positibong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Daet, nag-abiso ang Pamahalaang Lokal ng Basud sa mga mamamayan nito na huwag na munang bumili ng karne ng baboy sa unang nabanggit na bayan.
Sa Administrative Order No. 12 series of 2020 ng Department of Agriculture, nakapaloob na ang mga baboy mula sa bayan na may positibong kaso o nasa ilalim ng Red zone category ay mahigpit na ipinagbabawal na pumasok sa mga bayan na walang kaso ng sakit o nasa Green zone.
Nagpaalala rin ang Municipal Agriculture Office ng Basud sa mga residente na nag-aalaga ng baboy na magdisinfect ng mga kulungan upang mapanatili ang kalinisan.
Dagdag pa ng tanggapan na huwag pakainin ang mga alagang baboy ng tirang pagkain o kaning baboy.
Matatandaan na nitong nakaraang linggo, naitala sa Barangay Camambugan, Daet ang naturang sakit batay sa result ng sinuring samples na ipinalabas ng Department of Agriculture.
Gayundin, ay unang naitala sa bayan ng Basud at San Vicente ang unang kaso ng ASF sa lalawigan kung kaya’t pinaiigting ng LGU- Basud ang laban kontra sa naturang sakit.
Samantala, tiniyak naman sa isang pahayag ng LGU- Daet na ligtas kainin ang mga karne na ibinebenta rito at mayroong seal mula sa National Meat Inspection Service.

