Enero 6, 2020, Daet, Camarines Norte. Mas pinaikli pa ng IATF Camarines Norte ang implementasyon ng curfew sa buong lalawigan pati na rin ang pagbababa sa edad ng mga indibidwal na pwedeng lumabas sa kanilang mga tahanan, iyan ay base sa pinakahuling Executive Order ni Gobernador Edgardo Tallado na nilagdaan nitong lunes at magiging epektibo naman simula ngayong miyerkules, Enero 6, 2020.
Mula sa dating alas-diyes ng gabi (1o am) ay ililipat sa alas-dose ng hatinggabi (12 am) ang curfew na magtatapos naman pagsapit ng alas-kwatro ng umaga (4 am). Samantala, simula ngayong araw ay pinapahintulutan na rin sa buong lalawigan ang paglabas ng mga indibidwal na nasa 15 taon hanggang 65 taong gulang, mula sa dating 18 taong gulang sa dating bersyon ng Executive Order.
Sa usapin naman ng pagpasok at paglabas sa lalawigan ay mananatili ang proseso ng pagkuha ng Travel Pass at iba pang mga kinakailangang dokumento tulad ng Negative RT-PCR o kaya Rapid Antigen Test. Ang quarantine period naman para sa mga pumapasok sa lalawigan ay mananatili pa rin sa labing-apat (14) na araw.
Samantala ay pinapaalalahanan naman ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga minimum health standards na ipinapatupad sa lalawigan tulad ng pag-iwas sa mga matataong lugar, at tamang pagsusuot ng face mask at face shield. Ang mga nasabing pagluluwag sa ilang polisiya ng community quarantine ay kasunod ng pagiging low risk province ng lalawigan at base na rin sa mga umiiral na guidelines ng National IATF para sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News