Nagsagawa ng pagpupulong kaugnay ng preparasyon sa COVID-19 Vaccination Programs ng Provincial Government ang Provincial Health Board sa Camarines Norte sa pangunguna ni Governor Edgardo Tallado at Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco.
Pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang kahandaan ng Local Government Units sa naturang lalawigan hinggil sa pagkakaroon ng maayos na Storage Freezers na mayroong maayos na temperature na siyang paglalagakan ng mga bakuna na siniguro naman ng PHO.
Kaugnay nito, nabanggit din ni Dr. Francisco na unang babakunahan ang mga Public Frontliners at Private Frontliners sa hanay ng mga health workers sa lalawigan.
Isusunod ang mga sundalo, kapulisan, gayon din ang mga Senior Citizens at mga mahihirap na indibidwal.
Ayon pa sa opisyal, araw-araw ang kanilang gagawing pagpupulong para sa ligtas at maayos na Vaccination Program sa lalawigan.
Nilinaw din sa isinagawang pagpupulong na mandatory ang gagawing pagbabakuna kung saan 70% nito ay sagot ng National Government habang ang 30% naman ay sasagutin naman ng Provincial Government.