Nagpatawag ng buwanang pagpupulong kahapon, Pebrero 27, 2014 si Governor Edgardo Tallado para sa mga miyembro ng Provincial Peace and Order Council sa Camarines Norte.
Ang naturang pulong ay dinaluhan ng mga kinatawan at pinuno ng PNP, sa katauhan ni PSSupt. Moises Cudal Pagaduan, Phil. Army na pinamumunuan din ni Lt. Col. Michael Buhat, PDEA ni Intelegence Officer Enrique Lucero. Kasama din sa pulong ang DENR, DPWH, Coastguard, CIDG, at ilan pang ahensya na may kaugnayan sa pangangalaga ng Peace and Order sa lalawigan.
Isa-isang nag-ulat ang bawat miyembro ng konseho kaugnay ng kani-kanilang mga accomplishments ganundin ang kanilang mga plano pa sa mga susunod na buwan sa taong ito.
Iniulat ni Phil Army Commanding Officer Lt. Col. Michael Buhat ang kanilang pagkakahuli at pagsampa ng kaso sa mga matataas na lider ng CPP New Peoples Army. Ang mga ito anya ay kasalukuyang nakakulong sa Camarines Norte Provincial Jail, bagay naman na pinangangambahan ni Bokal Romeo Marmol dahilan sa posibleng panganib sa kung anong maaaring gawin ng mga kasamahang rebelde ng mga ito. Pero pinawi naman ni Lt. Col. Michael Buhat ang pangamba ni Marmol dahil sa anya’y may nakaassign na mga sundalong nagbabantay sa Provincial Jail para matiyak ang kaligtasan ng mga inmates at maging ng mga guwardya dito.
Iniulat naman ng PDEA ang umaabot sa kabuuang humigit kumulang 1.2 Milyong pisong halaga ng droga na kanilang nasakote sa loob lamang ng buwan ng Pebrero.
Sa harap nito, pinapurihan naman ni Gobernador Tallado ang mga miyembro ng Provincial Peace and Order Council at umaasang mas lalo pang paiigtingin ang pakikipagtulungan sa kanyang administrasyon na mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.
Samanatala, inihayag din ni Bokal Marmol, bilang Chairman ng Committee on Peace and Order sa Sangguniang Panlalawigan na bibigyan nila sa pamamagitan ng SP resolution ng komendasyon ang grupo ng PDEA sa lalawigan dahilan sa napakalaking accomplishments ng mga ito laban sa illegal na droga.
Naiulat din sa naturang PPOC meeting ang mga programa na ipinatutupad sa lalawigan na may kaugnayan sa pagtugon sa kahirapan ng mga mamamayan. Isa ang kahirapan sa itinuturong dahilan ng paggawa ng krimen ng ilang mamamayan.
Ayun sa report marami na ang mga naimplement na PAMANA projects partikular ang mga Farm to Market Roads na ang ilan ay nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan. Sa ngayong taon, ayun Kay Gob. Tallado, nakatakda naman na maipatupad sa limang bayan sa lalawigan sa pamamagitan pa rin ng PAMANA ang umaabot sa 100 Milyong pisong halaga ng proyekto.
Kahapon din, sa nasabing pagpupulong, binuo ang panibagong komite na Provincial Crisis Management Committee na pamumunuan din ni Governor Edgardo Tallado na tututok naman sa Crisis Management sa Camarines Norte.
Nag uulat,
Ricky Pera
CNNews Correspondent