HANAPIN MO ‘KO, MANANAP FALLS! (Chasing Waterfalls Series II)

HANAPIN MO ‘KO, MANANAP FALLS! (Chasing Waterfalls Series II)

Halina at ipagpatuloy ang pagtuklas sa magagandang waterfalls ng CamNorte. Isipin natin na ang pagpunta sa mga ito ay isang kuwento ng pag-ibig. May mga pesonalidad ang bawat falls na sumisimbulo sa ating adventure. Bawat falls ay kailangan mong puntahan upang matupad ang wish mo na matagpuan si Forever o Tunay na Pag-ibig. Para itong Bisita Iglesia o kaya ay Treasure Hunt.

Karamihan sa mga may pag-ibig ay nagsimula sa paghahanap. Kaya ang susunod nating destinasyon ay ang Mananap Falls o ang falls para sa mga naghahanap. Maliban kung ikaw ay sadyang ligawin hindi mo na kaailangan na maghanap dahil ikaw na ang lalapitan. Kung ikaw naman ay nakatagpo ngunit hindi naman itinadhana ay masaklap din kaya wala kang magagagawa kung hindi magmove-on, muling maghanap at ngayon ay welcome to Mananap Falls.

Ang Mananap Falls ay isa sa mga kilalang falls sa ating lalawigan. Isa ito sa mga unang falls na natuklasan at dinarayo na ng mga turista. Isa rin ito sa pinakamahirap marating ngunit sulit naman sa ganda kapag narating mo. Gaya sa pag-ibig mas masarap daw kapag pinaghirapan. Ito ay may taas na halos 30ft at may natural pool na kung saan ang tubig ay malamig at napakalinaw. Ilan sa mga puwedeng gawin dito ay swimming, cliff diving at canyoneering. Sakto ito para sa mga nature lovers at mga hiking and trekking enthusiasts.

Kaya samahan mo ako sa ating kuwento at pasyalan na ang Mananap falls. Ito ay matatagpuan sa Barangay San Jose sa bayan ng San Vicente. Mula sa Daet, puwedeng sumakay ng jeep o tricycle papuntang bayan ng San Vicente. Para makasiguro at para na rin sa iyong kaligtasan puntahan muna ang San Vicente Municipal Tourism Office, magpatala at sundin ang mga alituntunin na itinakda para sa mga turista ngayong New Normal. Sila na rin ang magbibigay ng tour guide na maghahatid sa iyo sa falls. Mula sa bayan pwedeng ring sumakay ng tricycle hanggang barangay Fabrica at mula rito ay isa hanggang dalawang oras na lakad lang ay mararating mo na ang falls.

Marami pang falls ang ating pag-uusapan sa kwento ng “Chasing Waterfalls Series” kaya abangan ang mga susunod nating destinasyon.

Nagsulat: CRESENCIO B. ADLAWAN
Photo courtesy of Provincial Tourism Operations Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *