Naging matagumpay ang pag-iisang dibdib ng kabuuang 50 na magkasintahan sa isinagawang Kasalang Barangay sa Barangay Larap, Jose Panganiban, umaga ng April 20, 2021.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Arnel Haboc Hagos, CRM ang seremonya na ginanap sa Larap Covered Court ng naturang bayan.
Ang mga ikinasal ay mula sa iba’t ibang barangay sa Jose Panganiban, gaya ng Barangay Larap na mayroong 26 na nagpakasal, mayroon din mula sa mga kalapit barangay gaya ng Sta Elena na mayroong anim (6) na ikinasal, tatlo (3) mula sa Nakalaya, anim (6) mula sa Parang, tatlo (3) mula sa Dahican at 10 naman mula sa Barangay Dayhagan.
Isa sa pangunahing rason kung bakit umano hindi makapag-pakasal ang mga nabanggit na magkasintahan ay dahil kapos ang mga ito sa pinansyal na aspeto dulot ng pandemya.
Naisakatuparan ang programa sa pamamagitan ng inisyatibo ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado at 1st District Representative Josie B. Tallado na gaya ng pagsagot sa mga bayarin sa dokumento tulad ng pagkuha ng CENOMAR at iba pa, at sila ring nagsilbing Principal Sponsors ng mga ikinasal.
Bukod rito ay namahagi rin ang kongresista ng pakimkim at regalo para sa mga bagong kasal bilang kanilang panimula.
Ilan din sa mga ninong at ninang na dumalo ay sina Board Member Aida Dasco, Mayor Ariel Non, Vice Mayor Diday Abaño, Councilor Jason Arriola, Councilor Grace Villablanca at iba pang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Jose Panganiban.
Simple man umano ngunit bakas sa mga mukha ng mga bagong kasal ang ligaya dahil sa suporta na kanilang natanggap lalo na mula sa gobernador at kongresista na ipinasalamat din ng kanilang Punong Barangay Mila Jumao-As.