Inilunsad ng PNP-Highway Patrol Group ang kanilang ikalawang community pantry sa tapat ng kanilang Provincial Headquarters sa Barangay Binanuan, Talisay, Camarines Norte na nagsimula bandang alas-sais kaninang umaga.
Ang aktibidad na tinawag na “Barangayanihan sa Kalasada” ay inilunsad ng HPG sa layon na makatulong sa pang araw-araw ng mga tsuper, konduktor, at mga motorista.
Kabilang sa mga laman ng pantry ay bigas, itlog, canned goods, sliced bread, instant noodles, kape, gatas, at gulay.
Mahigit sa isang daan na katao ang nabahagian ng tulong, kabilang ang general public na pumila rin sa naturang pantry.
Panawagan ng HPG sa mga may kakayahan na patuloy na magpaabot ng kanilang donasyon upang magtuloy-tuloy ang kagayang aktibidad na malaking tulong sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Matatandaan na nitong nakaraang linggo ay naglunsad ang PNP-HPG ng kanilang unang community pantry na inilatag naman sa isang terminal sa bayan ng Daet.
Inaasahan naman na sa susunod na mga araw ay muling aarangkada ang community pantry ng grupo para sa publiko.