Mapapabilis ang vaccination roll-out, ito ang nakikita na dahilan ng Provincial Health Office (PHO) – Camarines Norte kaugnay ng direktiba na ipinalabas kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na huwag isapubliko ang vaccine brand na gagamimitin sa pagbabakuna.
Sa pahayag ni acting Provincial Health Officer Arnel Francisco, sinabi nito na iniisip lamang ng DOH at DILG na mapapabilis ang pag-usad ng pagbabakuna na ayon mismo sa mga observer ay napakabagal kung ikukumpara sa ibang bansa.
Namimili kasi umano ang mga tao ng brand na ituturok base sa vaccine effectiveness samantalang ang totoo aniya, ang pinaka-epektibo na bakuna ay ang kung ano ang available sa kasalukuyan.
“Pero sabi nga ng DOH ang nakapaka epektibong bakuna ay yung meron kana at yung meron na dito, huwag kanang maghanap kasi ang sinasabi po natin na ang bakuna po talaga ay hindi lang naman dito sa Pilipinas ang may kakulangan kundi buong mundo po yan, may kulang po talagang produksyon ng bakuna so kung anong meron tayo ibigay na natin at tanggapin na natin.”, ani Francisco.
Suhestiyon din ng kawani na huwag nang mamili pa ng brand dahil hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo at mayroong kakulangan sa bakuna.
Sinabi rin ni Francisco na maging ang PHO ay implementor lamang ng mga advisory at direktiba mula sa nakatataas na opisina kung kaya’t kailangan nila itong sundin.
Matatandaan na sinabi ng DILG at DOH nang ilabas nila ang naturang direktiba na ito ay upang maiwasan ang pagkasayang ng mga bakuna dahil sa vaccine preference ng mga tao.
Gayunpaman, ipaaalam din naman umano ng kinauukulan ang brand ng bakuna sa mga tuturukan nito kapag sila ay nasa vaccination center na.