Nitong Lunes, huling araw ng buwan, May 31, 2021, isinagawa ng Provincial Incident Management Team ng Camarines Norte ang kanilang 43RD Operation Period Briefing sa Audio-Visual Room, 3rd Floor Provincial Capitol, Daet, Camarines Norte.
Sa sektor ng Provincial Health Office sa pamumuno ni Dr. Arnel Francisco – acting PHO, at Incident Commander for Health inilahad ang update kaugnay ng COVID-19 kung saan hanggang nitong May 31, 2021, ang kumpirmadong kaso sa lalawigan ay 514, 336 ang recovered, 148 ang aktibong kaso sa kasalukuyan, habang 30 naman ang binawian ng buhay.
Sa kabilang banda, nangunguna naman ang Camarines Norte sa buong Bicol Region sa pagbabakuna sa mga frontliners. Sa 6,430 katao na kabilang sa A1(Workers in Frontline Health Services) ay 5,882 na ang nabakunahan o 91.8 % coverage kung kaya’t 548 na lang ang hindi pa nababakunahan sa group A1.
Sa report naman ni Unified Incident Commander, Atty. Don H. Culvera, kabilang sa mga inilahad nito ay kaugnay sa boundary sa Brgy. Tabugon, Santa Elena, kung saan tanging mga papasok lamang sa Camarines Norte ang papayagang sumailalim sa rapid antigen test sa naturang lugar at hindi ang mga papunta sa ibang lalawigan.
Ipinaalala rin muli na para makapasok sa lalawigan, kailangan na mag-apply online sa pamamagitan ng www.camnortetravelpass.com. kung saan isa sa hinihinging dokumento ay ang negative rapid antigen test o saliva test result. Ang rapid antigen booth sa dalawang borders ng Camarines Norte ay itinalaga para sa mga biyaherong hindi nakapagpa-rapid antigen test sa pinanggalingan nilang lugar.
Kabilang din sa mga napag-usapan ay ang pagpapasumite sa Provincial Health Office ng summary ng mga nagpositibo sa rapid antigen test mula sa operasyon ng dalawang rapid antigen test booth sa boundaries ng Tuaca, Basud at Tabugon, Santa Elena. Mula doon ay malalaman kung ilan naman ang kumpirmadong nagpositibo sa RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) o mas kilala sa tawag na swab test.
Nagpadala rin ng liham ang Lokal na Pamahalaan ng Daet na humihingi ng pahintulot upang makapagsagawa ng mga online activitities ngayong buwan ng Hunyo kaugnay ng Pinyasan Festival na pinayagan naman ng Provincial IMT.
Sa ilalim naman ng Provincial Tourism Office sa pamumuno ni PTO Mariano “Bong” Palma, binisita at ininspeksyon ng Provincial IMT ang mga river resorts sa San Lorenzo Ruiz nitong nakatalikd na araw. Sorpresa ang isinagwang inspeksyon upang makita kung sumusunod sa 50% client capacity ang mga ito at pinaalalahanan na rin ang mga resort owners na sumunod sa mga panuntunan ng DILG, IATF, PNP at DOH partikular na ang ukol sa minimum public health and safety standard.
Kaugnay nito, lalabag sa mga panuntunan ay maaaring sampahan ng kaukulang kaso o maaari rin na ipasara ang kanilang mga establisimento habang magpapatuloy naman ang site inspection sa iba pang river resorts at tourist destinations sa Camarines Norte sa mga susunod na araw.