7 KALALAKIHAN, ARESTADO SA ILLEGAL NA SABONG SA DAET, CAMARINES NORTE

Arestado ang pitong (7) kalalakihan matapos na mahuling nagsasagawa ng ilegal na sabong (tupada) sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na sabong.

Dakong alas 12:10 ng tanghali, ika-6 ng Hunyo, 2021 nang ikasa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng Daet Municipal Police Station (MPS), Deputy Chief of Police for Operation (DCPO) at ng CIDG Cams Norte PFU (led unit), CN-PIU, RID/RSOU5, 1st at 2nd CNPMFC matapos mayroong makarating na impormasyon mula sa isang concerned citizen kaugnay ng ilegal na tupada sa Barangay Alawihao at Barangay San Isidro sa bayan ng Daet.

Ang mga suspek ay kinilala na sina alyas “JB”, 57 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 6, Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte, isang alyas “JM”, 19 taong gulang, binata, residente ng Purok 6, Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte, at si alyas “Caloy”, 38 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 2, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte habang ang iba nilang kasamahan ay nakatakas.

Nakumpiska sa kanila ang dalawang (2) pirasong patay na panabong na manok, perang nagkakahalaga P2,200 sa iba’t ibang denominasyon, dalawang (2) pirasong tari at panali.

Sa Brgy. San Isidro naman, dakong alas 12:40 ng tanghali ay nahuli sina alyas “Jaydee”, 36 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 6, Brgy. San Isidro, Daet, Camarines Norte, isang alyas “Eddie”, 57 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 6, Brgy. Taguntong, Mercedes, Camarines Norte, isang alyas “Landoy”, 57 taong gulang, binata, residente ng Purok 2, Brgy. San Isidro, Daet, Camarines Norte at si alyas “Berto”, 34 taong gulang, binata, residente ng Brgy. San Isidro, Daet, Camarines Norte habang ang iba rin na mga kasamahan nito ay nakatakas.

Dalawang (2) pirasong patay na panabong na manok, perang nagkakahalaga P4,760 na may ibat ibang denominasyon, dalawang (2) pirasong tari at panali ang nakumpiska sa mga ito.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa PD 449 o ang Cockfighting Law of 1974 sinusugan ng PD 1602, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Daet MPS para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published.