Tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema ang Disqualification Case na inihain laban kay Camarines Norte Governor Edgardo Tallado kaugnay ng pagtakbo nito sa naturang posisyon noong 2019 elections.
Matatandaan na iniakyat ni Tallado sa kataas-taasang hukuman ang kaso sa pamamagitan ng petition for certiorari matapos na katigan ng Commision on Elections (COMELEC) 1st Division at COMELEC En Banc ang petisyon nina Norberto Villamin at dating Capalonga Mayor Senandro Jalgalado na diskwalipikahin ang kaniyang COC o Certificate of Candidacy dahil sa paglabag umano nito sa three-term limit rule.
Kaagad namang nagpalabas ng Status Quo Ante Order ang Korte Suprema na pumigil sa pagpapatupad ng disqualification kay Tallado at noong September 10, 2019, pinaboran ang kaniyang petition for certiorari sa pamamagitan ng G.R. No. 246679 na nagpawalang-bisa sa una nang naging desisyon ng COMELEC 1st Division at En Banc.
Sinubukan pa ng COMELEC kasama sina Villamin at Senandro na baguhin ang naging desisyon ng Korte Suprema sa pamamagitan ng isang motion for reconsideration ngunit tinanggihan ito sa bisa ng isang resolusyon ng Supreme Court En Banc na may petsang March 2, 2021.
Ayon kay Provincial Legal Officer Atty Don Culvera, ngayon na ibinasura na ang motion for reconsideration ay wala na umanong ibang mosyon ang pwedeng tanggapin ng SC kung kaya’t ang desisyon na ito ay pinal na.
Paglilinaw ng Korte Suprema, walang nilabag na batas hinggil sa term limit ang gobernador dahil nagkaroon ng interruption o pagkakaputol ng termino nito nang siya ay babaan ng dismissal order ng Ombudsman na ipinatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong 2016.
Bandang huli, “blessing in disguise” umano na maituturing ang isinampa na kaso kay Tallado dahil ayon sa kanya, “Bale lumalabas na ito yung first term ko 2019- 2022, dun sa mga kaso na binato sa akin, parang ano din sa akin eh, blessing in disguise,”.