Dinagsa ng maraming tao na nagmula pa sa ibat ibang mga dako, mga organisasyong at departamentong kinabibilangan upang boluntaryong mag donate ng kanilang sariling dugo sa Daet Municipal covered court sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Organisado at sistematiko ang ipinatupad na aktibidad upang makasunod sa minimum health standards na ipinatutupad.
Maayos na pumipila na may kaukulang distansiya ang bawat isa, pagsusuot ng mga facemask at faceshields sa registration, pagkuha ng body temperature sa vital interview at blood pressure, at pagdi-distribute sa bawat isa ng mga blood donation kits na gagamitin.
Namahagi naman sa mga tao ang daet lgu sa pamamagitan ng kanilang community pantry booth at libreng mga meryendang elbow macaroni at lugaw.
Namahagi rin sa bawat mamamayan ng mga souvenir t-shirts at relief goods na madadala ng blood donors pauwi.
Mabagal ang proseso subalit di ito naging hadlang sa mga magbibigay ng kanilang dugo at patuloy pa ang pagdagsa ng mga ito sa naturang lugar.
Alam naman kasi ng ating mga kababayan kung gaano kahalaga ang dugo upang gamiting pandugtong
ng buhay lalo ngayong panahon ng pandemya.
Pinangasiwaan ito ng mga medical personnel at health workers na nagmula pa sa Bicol Medical Center sa pakikipagtulungan ng Daet Municipal Health Office.
Nagpasalamat sa lahat ng dumalo at sa mga nakiisa ang butihing ama ng lalawigan na si Gob. Edgardo A. Tallado at Daet Mayor Benito “B2k” Ochoa sa matagumpay na aktibidad.
Orlando Encinares, Camarines Norte News