ILANG INSIDENTE NG PAGNANAKAW, NAITALA SA BAYAN NG DAET

608-daet-map

Daet, Camarines Norte (Agosto 10, 2016) – Muling nakapagtala ng sunud-sunod na nakawan ang mga otoridad sa bayan ng Daet nitong mga nakaraang araw.

Batay sa ulat ng Daet Municipal Police Station (MPS), Agosto 7, 2016 nang mawalan ng bag ang biktimang si Chona Leona-Mabeza, 36 na taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 4, Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte habang ito ay nasa ukay-ukay  na malapit sa Mercury Drug, sa J. Lukban Street.

Bandang alas-4 ng hapon umano nang mapansin ni Leona na nang nawawala na ang bag nitong naglalaman ng wallet na mayroong perang nagkakahalagang Php 6,500.00 at ilang ATM cards.

Pinasok naman ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang tahanan ng biktimang si Lea Abarca y Tabirara, 38 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 1, Barangay Camambugan, Daet, Camarines Norte bandang alas-3 ng madaling-araw nitong Agosto 8, 2016. Ayon kay Abarca, natangay mula sa kanilang tahanan ang sling bag na naglalaman ng isang Iphone 6+ na nagkakahalagang Php 50,000.00; isang Iphone 4s na nagkakahalagang Php 6,000.00; isang My Phone cellphone na nagkakahalagang Php 799.00; mga passbooks; iba’t ibang susi; dalawang gintong singsing na nagkakahalagang Php 10,000.00; isang gintong kwintas na nagkakahalagang Php 10,000.00; isang silver na kwintas na nagkakahalagang Php 450.00; perang nagkakahalagang Php 6,000.00; at 50,000 Japan Yen na nagkakahalagang 22,500.00.

Ilang oras ang lumipas nang parehong araw, isang computer shop naman ang pinagnakawan sa Lacson Building sa Governor Panotes Avenue, Barangay VII, Daet, Camarines Norte bandang alas-8 ng umaga. Ayon sa biktimang si Grace Reynancia-Yu, 35 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 6, Barangay VII, Daet, Camarines Norte, inutusan nito ang kanyang anak na kunin ang kanyang Samsung Galaxy JI mini na nagkakahalagang Php 10,000.00 nang dumating ito sa naturang establisyimento.

Agad namang nagtungo ang bata sa kwarto nito kung saan nakalagay ang naturang gadget, subalit nadiskubreng nawawala na ito.

Patuloy naman ang isinasagawang follow up investigation ng mga otoridad para sa ikalulutas ng mga insidente ng pagnanakaw sa naturang bayan.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *