Agad na rumesponde ang Bagasbas Beach Lifeguards at kapulisang nakatalaga sa Police Community Precint 2 matapos may maiulat na pagkalunod ng dalawang katao sa bahagi ng Purok III, Brgy. Bagasbas sa bayan ng Daet.
Pilit na sinagip ng mga rumesponde ang unang biktima ngunit agad namang idineklara ng Doktor na wala ng buhay matapos itong isugod sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Samantala, mayroon pang isang biktima ang nawawala at hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng otoridad. Kinilala ang mga biktima bilang sina Galo T. Montañez, 58 anyos na lalaki, may asawa at resident ng Zone-3, Brgy. San Agustin, Pili, Camarines Sur (Dead on Arrival sa CNPH), napag-alamang ama ito ng nawawalang si Jayson T. Montañez, 21 anyos na lalaki at residente rin ng nasabing lugar at kasalukuyang pinaghahanap ng binuong Search and Retrieval Operation Team ng PNP, MDRRMO at Philippine Coast Guard.
Ayon sa salaysay ng nakakita sa pangyayari, ang mga ito ay lumalangoy at dahil sa lakas ng alon ay napadpad ang mga ito sa malalim na bahagi, nakuha ng mga rumespondeng life guard ang isa, binigyan ng CPR at agad na dinala sa ospital at ang isa naman ay hindi na matagpuan.
Panawagan ni PLTCOL Chito M. Oyardo, Hepe ng Daet MPS na ipagbigay alam sa pinaka malapit na himpilan ng Pulis ang ano mang impormasyong makapagtuturo sa kinaroroonan ni Jayson T. Montañez.Pinag-iingat din ang publiko sa pagpaligo sa dagat at sa RIP current na kalimitang sanhi ng pagkalunod. Ipagbigay alam sa Daet MPS Hotline #09985985954.