Patay ang isang NPA matapos makasagupa ang kasundaluhan ng 9th Infantry (SANDIGAN) Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt.Col. Cleto R Lelina Jr. Naganap ang engkwentro bandang alas dos ng hapon nito lamang ika-12 Desyembre 2021 sa Purok 6, Brgy. Salvacion, Ragay, Camarines Sur.
Dahil sa pakikipagtulungan ng mga residente sa pamamagitan ng pagbigay ng kongkretong impormasyon at sa pinagsanib pwersa ng 9th Infantry (SANDIGAN) Battalion ,92ndDRC, 95MICO, 9MIB, 9ID, PA, 1st CamSur PMFC, CSPPO ,1st Cam Norte PMFC, CNPPO, 501st MC, RMFB5, at 9SAB, SAF ay natunton ang pinagkukutahan ng mga NPA. Namamalagi ang mga NPA sa lugar hindi lamang upang magtago kundi upang isagawa kanilang bagong modus sa pangingikil, ito ay ang pagpataw ng “permit to campaign” at “permit to win” mula sa mga kumakandidato para sa nalalapit na halalan.
Tumagal ng tatlumpong minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig na nag resulta ng pagkamatay ng isang teroristang NPA at pagkakasamsam ng dalawang M16 riple, magasin, mga pampasabog at iba pang personal na kagamitan ng NPA.
Wala namang nasaktan o nasugatan sa hanay ng kasundaluhan maging sa mga sibilyan. Ito ay isa lamang sa magandang resulta ng implementasyon ng Executive Order number 70 (Whole-of-Nation Approach), hindi lamang kasundaluhan at kapulisan ang sumusugpo sa insurhensiya kundi kasama na ang buong ahensya ng pamahalaan at mamamayan. Nakadagdag din sa lakas ng kampanya kontra terorista ang pagpirma ng bawat barangay sa kasunduan na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF bilang Persona Non-Grata, dito nakapaloob na hindi na pahihintulutan ng mamamayan na makapasok ang presensya ng teroristang grupo sa kanilang lugar upang hindi na makaranas ng pangingikil, pagbayad ng revolutionary tax, panununog ng mga kagamitang imprastruktura at pagrerekrut.Nagpaabot naman ng mensahe ng pasasalamat si BGen. Jaime A. Abawag Jr, Commander ng 902nd (FIGHT AND SERVE) para sa pakikiisa ng mga residente sa pagsakatuparan ng misyon, dagdag pa ng heneral, “ sa kabila ng hamon na ating kinahaharap bunsod ng pandemya, tuloy pa rin ang teroristang grupo sa pananakot at pangingikil na nagdudulot ng kahirapan at dagdag pasakit sa ating mga kababayan.
Dahilan din ng pagka-antala ng mga programang pangkaunlaran na isinusulong ng pamahalaan upang maibsan ang hirap na nararanasan ng taong bayan. Ganun paman patuloy pa rin namin kayong hinihikayat na sa halip na ipagpatuloy ang mga ganyang gawain ay magbalik-loob at tuluyan ng iwaksi ang karahasan, tanggapin ang programang laan ng ating pamahalaan upang makapamuhay ng mapayapa kasama ang iyong pamilya lalo ng ngayong darating na kapaskuhan’’.