Sa pamamagitan ng tradisyonal na Flag Raising Ceremony na sabay sabay ginanap sa buong bansa ay ipinabatid ng 9th Infantry (SANDIGAN) Battalion Troopers ang kanilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-86 na anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong nakatalikod na Disyembre 21, 2021.
Pinangunahan ng Punong Opisyal ng 9IB na si LTC Cleto R. Lelina Jr. INF (GSC) PA ang nasambit na seremonya kung saan sa pamamagitan ng isang talumpati ay nagpaabot siya ng pasasalamat sa kasundaluhan ng 9IB para sa patuloy na pagbibigay ng importansya sa mga kahalintulad na pagdiriwang.
Aniya, naglalayon itong pasalamatan ang bawat isa at kilalanin ang natatanging kontribusyon ng mga ito sa kanilang matatag na organisasyon.
Bukod dito ay kanya ring ipinaabot ang mensahe ng pasasalamat at pagbati ni Lt.Gen. Andres C. Centino, AFP Chief of Staff para sa buong kasundaluhan.
Makabaluhan ang naging mensahe ng opisyal kung saan sinabi nito na “Sa ating patuloy na pagsasabuhay ng huwarang katapangan at pagmamahal sa bayan ng ating mga ninuno, ako ay lubos na naniniwala na ang bawat sundalo na bumubuo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay walang pag-aalinlangang malalampasan ang mga pagsubok at mananatiling nagsisilbing kaagapay ng mamamayan, lalaban para sa kapayapaan, sagisag ng kadakilaan”.