ISANG 46 ANYOS NA BABAE PATAY HABANG ANG 13 ANYOS NA ANAK NITONG BABAE SUGATAN SA INSIDENTE NG PANANAKSAK AT PANANAGA NA NAGANAP SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE!

ISANG 46 ANYOS NA BABAE PATAY HABANG ANG 13 ANYOS NA ANAK NITONG BABAE SUGATAN SA INSIDENTE NG PANANAKSAK AT PANANAGA NA NAGANAP SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE!

Dakong 12:30 ng umaga nitong Disyembre 30, 2021, isang tawag sa telepono ang natanggap ng himpilan ng Labo MPS mula sa tauhan ng MDDRMO Labo patungkol sa isang umano’y insidente ng pananaksak at pananaga na naganap bandang alas 10:00 ng gabi ng Disyembres 29, 2021 sa Sitio Naboongan, P-5 Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte.

Diumano, sa hindi pa malamang dahilan, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang sumaksak at tumaga sa dalawang biktimang nakilalang sina alyas “Edna” 46 anyos at ang anak nitong si alyas “Nicole”, 13 anyos pawang mga residente ng Sitio Naboongan, P-5 Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte. Agad na nagtungo sa pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng pulisya sa pangunguna ni PLTCOL AUGUSTO A MANILA, OIC upang magsagawa ng inisyal na imbestigasyon. Pagdating ng grupo sa lugar ng insidente ay nadatnan nila ang bangkay ni Edna sa loob ng kwarto na naliligo sa sariling dugo. Humingi ng tulong ang pulisya ng Labo sa mga tauhan ng SOCO ng Camarines Norte Crime Laboratory Office na agad namang rumesponde at pumunta sa lugar ng insidente upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen. Matapos magsagawa ng masusing pagsisiyasat at pagkolekta ng ebidensya sa pinangyarihan, nakuha  mula rito ang isang cellphone na Techno Spark na kulay light blue na kalaunan ay napag-alamang pagmamay-ari ng biktimang si Nicole.

Nagtuloy ang imbestigador ng Labo MPS sa Camarines Norte Provincial Hospital sa Daet, Camarines Norte at nagsagawa ng karagdagang imbestigasyon. Ayon sa panayam mula sa biktimang si Nicole, isiniwalat niya na habang siya ay natutulog sa kanyang silid kasama ng kanyang nakababatang kapatid na si Roland, 11 anyos, siya ay nagising sa ingay ng kanyang ina. Pinuntahan niya ang kanyang ina sa kabilang silid at laking gulat niya nang makita niyang nakahandusay na ito sa sahig at naliligo sa sariling dugo kasama ng isang hindi kilalang lalaki na nakatayo sa tabi nito at armado ng itak. Nang makita siya ng lalaki ay agad  itong lumapit at tinaga siya ng itak sa ulo na dumulas papunta sa kanyang kaliwang braso na naging dahilan sa pagkakatumba niya sa sahig. Ang nasabing salarin ay nagmadaling tumakbo palayo habang ang biktimang si Nicole ay sinubukang bumangon at tumakbo palabas ng kanilang bahay upang humingi ng saklolo. Agad naman siyang sinaklolohan ng kanilang mga kapitbahay at dinala sa Labo District Hospital na kalaunan ay inilipat ng mga tauhan ng MDRRMO sa sa Camarines Norte Provincial Hospital. Sa kabutihang palad, ang kanyang kapatid na si Roland ay hindi naman nasaktan sa nasabing insidente.

Sa kasalukuyan ay wala pang pagkakakilanlan sa suspek dahil ayon sa biktima nakasuot umano ito ng maskarang damit na nakabalot sa mukha nito. Samantala, hindi pa matukoy at kasalukuyan pang inaalam ang motibo ng nasabing krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *