Isang tricycle driver ang dinala sa isang pampublikong pagamutan sa bayan ng Daet matapos na magpasaway at manghamon ng away sa isang online betting station at mabaril ng security guard na naka duty alas 10:10 ng gabi nitong Disyembre 30, 2021 sa harapan ng DLTB Terminal, Purok 2, Barangay Camambugan, Daet Camarines Norte. Ang nasabing tricycle driver ay nakilalang si alyas “Ric”, 36 anyos., may kinakasama, isang tricycle driver at residente ng Magallanes Iraya, Brgy. Camambugan, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigasyon, napag-alamang si “Ric” ay dumating sa nasabing betting station na nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Ayon sa ulat, naging pasaway ang nasabing lalaki at nagsimula nitong hamunin ang caretaker ng betting station na nagsaway lamang sa kanya dahil sa kanyang kinikilos sa loob nito. Ang nasabing insidente ay agad na tumawag sa atensyon sa security guard na nakaduty sa nasabing establisyimento na nakilalang si alyas “Ron”, 39 anyos, may asawa at residente ng Purok 6, Brgy. San Isidro, Daet, Camarines Norte. Niyaya nito ang nasabing lasing palabas upang pag-usapan ang nangyayaring insidente. Sa kasamaang palad, sa halip na kumalma ang nasabing tricycle driver, pumasok ito sa terminal ng DLTB at kumuha ng isang piraso ng kahoy at nagmamadaling hinampas ang nasabing security guard na tinamaan sa kaliwang braso sa kabila ng paulit-ulit na pagbibigay dito ng babala. Maya-maya, bumunot ng baril ang security guard na si “Ron” at nabaril nito ang tricycle driver na si “Ric” na tinamaan sa kanang ibabang balikat nito. Agad itong dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng Daet PNP para sa agarang paggamot.
Kusang sumuko naman ang security guard sa mga rumespondeng pulis at ibinigay ang kanyang Cal .38 revolver na may trade mark na Rock Island na may serial number na RIA1851202 at kargado ng apat (4) na bala. Narekober din sa pinangyarihan ang isang (1) basyo ng bala para sa nasabing baril. Ang mga tauhan ng Daet MPS ay naghahanda na ng mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.