Eksaktong 12:01 nitong Linggo ng madaling araw, Enero 9, 2022 ay nagtatag na ng mga checkpoint ang buong kapulisan sa mga stratehikong lugar mula sa labindalawang bayan ng Camarines Norte. Ito ay bilang pakikiisa sa Simultaneous Nationwide COMELEC Checkpoint na hudyat rin ng pagsimula ng mahigpit na implementasyon ng Gun Ban kaugnay sa pagsisimula ng Election Period para ngayong 2022 National and Local Election sa bansa alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10741. Isinagawa ito ayon sa pakikipag koordinasyon sa mga Election Supervisors at AFP sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan mismo ni CNPPO Provincial Director PCOL JULIUS D GUADAMOR kasama ang mga tauhan ng Daet MPS na pinangunahan ni PLTCOL CHITO M OYARDO, Chief of Police. Kasama din sa nasabing aktibidad sina Atty. Annie A. Romero-Cortez- Acting Provincial Election Supervisor, Atty. Francis D Nieves- Daet Election Officer, Sgt Jebron M. Miranda-9th IB Philippine Army, Mr. Jaypee De Leon mula sa MDRRMO-Daet, mga kapulisan ng 1st Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni PLTCOL ARNEL D DE JESUS, Force Commander at mga kinatawan ng media na sina Mr.Donde Consuelo mula sa Brigada News FM at Mr. Jayson San Fernando) mula sa GMA-Bicol News na ginanap sa harap ng Pentagon Terminal, Brgy. Camambugan, Daet, Camarines Norte.
Bago pa man magsimula ang Election Period ay isinagawa na ng mga kapulisan ang pagpapalaganap ng impormasyon sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo sa mga mamayan, pamimigay ng leaflets/flyers, pag anunsyo sa radyo, pagbisita sa mga barangay at pakikipanayam sa mga tao at ang pinakamahalaga at pinakamadaling paraan ay ang pagpost gamit ang social media na mas madaling paraan upang maipaabot sa mamamayan ang mga impormasyong kanilang kailangang mabatid. Isa na rito ang pagbabawal ng pagdadala ng mga armas sa labas ng tahanan maliban sa mga taong nabigyan ng certificate of authority to carry firearms kung kaya’t puspuspusan ang isinagawang kampanya ng mga kapulisan sa pamamagitan ng Oplan Katok. Isa rin ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa RA 10666 otherwise known as “Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015” na kadalasang nalalabag ng mga motoristang nagsasakay ng maliliit na bata na karaniwan ay dumadaan sa mga pangunahing pampublikong kalsada.
“Simula sa araw na ito, mahigpit nating paiiralin ang Total Gun Ban sa buong probinsya ng Camarines Norte. Ang ginagwa naming ito ay upang mapigilan o masawata ang anumang nakaambang panganib o kaguluhan dito sa lugar. Sa pamamagitan nito ay mapipigilan natin ang mga masasamang loob na may dalang baril o anumang armas, pampasabog at iba pang mga bagay o instrumento na makakapagdulot ng kaguluhan at magiging sagabal sa nalalapit na eleksyon. Kelangan po natin matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan dito sa probinsya at masiguro ang kaayusan ng halalan kung kaya’t kinakailangan nating maghigpit para sa kapakanan nating lahat at upang makamit natin ang maayos at mapayapang pagdaraos nito. Kasabay rin ng pagpapatupad ng mga panuntunan ngayong darating na halalan ay ang patuloy na pagpapaigting ng implementasyon ng minimum health protocols at pag inspeksyon sa mga vaccination cards ng mga motorista at biyahero.” ani PCOL GUADAMOR.
Kaugnay din nito, muling ipinaalala ni PCOL GUADAMOR sa mga kapulisan na sa pagsasagawa ng checkpoint, kinakailailangang itaguyod at protektahan ang mga karapatan ng bawat mamamayan, pairalin lagi ang tinatawag nating maximum tolerance at kung kinakailangan ay magbigay pa rin ng konsiderasyon sa mga nahuhuli o natitiketan lalo na sa mga first time violators na mayroong minor offenses lamang.
Sa naganap na pag-arangkada ng COMELEC Checkpoint sa buong probinsya, may kabuuang 25 violators ang nahuli. Dalawampu’t Isa (21) dito ang natiketan ng Traffic Citation Ticket o TCT at apat (4) naman ang naisyuhan ng Temporary Operator’s Permit o TOP. Isa (1) dito ang natiketan dahil sa Defective Muffler, tatlong (3) Unregistered, sampung (10) Driving Without License, isang (1) impounded, dalawang (2) helmet at dalawang (2) reckless driving. Samantala, sa kalagitnaan ng checkpoint ay meron pa rin apat (4) na naitalang walang suot na facemask at apat (4) din ang nahuling lumabag sa curfew.
“Habang kami pong mga naatasan sa pagpapanatili ng kaayusan dito sa buong probinsya ng Camarines Norte ay ginagawa po ang aming mga tungkulin lalo na sa epektibong pagpapatupad ng mga batas, tuntunin at regulasyon ngayong panahon ng eleksyon, inaasahan din po naming ang inyong suporta at kooperasyon. “Shared Responsibility” po natin ito ika nga, kaya mas makakabuti pong sumunod po tayo at piliin natin lagi na maging isang mabuting mamamayan upang makamit natin ang ating minimithing mapayapa at ligtas na komunidad lalo na ngayong darating na halalan, dagdag pa ni PCOL GUADAMOR.