Daet, Camarines Norte – Plano na rin ng IMT Camarines Norte na susugan ang kaatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na obligahin ang lahat ng nasa itinakdang gulang na magpabakuna na at higpitan na makapasok sa mga establishimento ang sinumang hindi pa bakunado.
Sa panayam ngayong umaga kay Atty. Don Culvera, Incident Commander ng IMT Camarines Norte, inaasahan ngayong hapon o hanggang bukas ay ipalalabas na ng IMT at lalagdaan ni Gob. Edgardo Tallado ang isang kaatasan na nagtatakda ng mga panibagong panuntunan sa lalawigan kaugnay sa COVID-19.
Sinabi ng nasabing opisyal na ang mga naunang mga lumalabas sa social media, bagamat ito ay posibleng ipatupad din sa ating propinsya, subalit kinakailangan munang hintayin ang opisyal na pahayag ng IMT Camarines Norte na may lagda ng Governador bilang utos tagapagpaganap.
Kabilang sa posibleng ipatupad ay ang pagbabalik sa 10pm to 4am ang curfew hours, paglilimita sa sa ilang establishimento ng mga mamamayan na wala pang bakuna at paglilimita sa paglabas ng mga nakatatanda at mga kabataan na walang esensyal na lalakarin.
Maging ang quarantine period ay inaasahan din ang pagbabago sa bilang ng pananatili sa quarantine facilities. Binigyan diin nito na minimal lamang ang magiging pagbabago sa kasalukuyang ipinatutupad na panuntunan.
Ang ipalalabas na bagong Executive Order sa mga susunod na oras ay magsisimulang ipatupad sa ika 16 ng Enero 2022, araw ng Linggo.
Nanawagan si Atty. Culvera sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health standard upang makatulong sa paglaban sa patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa lalawigan.
Abangan sa dito sa Camarines News ang opisyal na EXECUTIVE ORDER ni Gob. Egay Tallado na aming ilalathala sa pinakamabilis na panahon sa oras na malagdaan at maipalabas na ito.
RODEL MACARO LLOVIT
Cool Radio News/Camarines Norte News