Isang lalaki na may kasong Murder at paglabag sa RA 10591 na miyembro ng Alcanzo Gun for Hire Group at pinaniniwalaang miyembro rin ng Communist Terrorist Group ang matagumpay na inaresto sa pamamagitan ng operasyong COPLAN “BULING” ng mga tauhan ng pulisya sa pangunguna ng Paracale MPS, katuwang ang Sta Elena MPS, 902nd BDE at 9ID Philippine Army, 9IB Philippine Army dakong 3:00 ng hapon nitong Enero 16, 2022 sa Purok 7, Brgy. Poblacion, Sta. Elena, Camarines Norte.
Ang akusado ay kinilalang si alyas GERRY, 38 anyos, binata, at residente ng Purok 2, Brgy. Manlucugan, Vinzons, Camarines Norte. Si GERRY ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong MURDER sa ilalim ng kasong kriminal na may numerong 20935 at walang rekomendadong piyansa at paglabag sa RA 10591 (“Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”) sa ilalim ng kasong kriminal na may numerong na 20965 at may piyansang Dalawang Daang Libong Piso (Php200,00.00). Ang mga nasabing warrant of arrests ay parehong ipinalabas ng Presiding Judge ng RTC Branch 41, Daet, Camarines Norte na may mga petsang Marso 30 at Abril 16, 2021.
Ayon sa ulat, ang akusado ang suspek sa pamamaril sa isang 63-anyos na babaeng negosyante na nagresulta sa pagkamatay nito noong Pebrero taong 2021 na naganap sa Brgy. Batobalani, Paracale, Camarines Norte. Ito rin ay nagtago sa bayan ng Sta. Elena para takasan ang kaniyang kasalanang ginawa.
Ang nasabing personahe ay nasa kustodiya na ng Paracale MPS para sa kaukulang disposisyon. Pinuri ni PCOL JULIUS D GUADAMOR ang patuloy na pagtugis ng mga kapulisan laban sa mga taong nagkasala at nagtatago sa batas lalong lao na ang mga sumasanib sa mga kalaban. Aniya, “hinding hindi kami titigil hangga’t hindi nasasawata ang inyong mga baluktot na paniniwala at masamang gawain sa ating lalawigan. Ang kapulisan ay patuloy na magsisilbi at maglilingkod sa mga Camnorteños upang maging mapayapa at tahimik ang ating probinsiya. May panahon pa para kayo ay magbago, andito kami upang tumulong na kayo ay mabigyan ng pagkakataon na magbagong buhay para sa inyong pamilya”.