PNP PATULOY ANG HOT PURSUIT OPERATION UKOL SA NAGANAP NA INSIDENTE NG KIDNAPPING SA CARETAKER NG ISANG RESORT SA BAYAN NG MERCEDES

PNP PATULOY ANG HOT PURSUIT OPERATION UKOL SA NAGANAP NA INSIDENTE NG KIDNAPPING SA CARETAKER NG ISANG RESORT SA BAYAN NG MERCEDES

Patuloy ngayon ang isinasagawang hot pursuit operation ng kapulisan para matukoy at madakip ang mga responsable sa pagdukot sa caretaker ng isang resort sa Barangay Cayucyucan, Mercedes, Camarines Norte dakong ala una kahapon Pebrero 20,2022.

Kinilala ang biktima na si Rico o mas kilala sa tawag na “Engkoy”, 41 anyos.

Base sa tala ng CNPPO, ipinaabot sa kanilang opisina ni Punong Barangay Felix Abanto ang insidente ng pagdukot kay Engkoy ng mga kalalakihan na pawang nakasuot ng facemask at armado ng maiikling baril.

Ayon sa mga nakasaksi, pwersahang isinakay ang biktima sa puting Nissan Escapade Van na may plakang ABA 8869 at matapos ay humarurot palayo sa nasambit na resort.

Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng PNP batay na rin sa salaysay ng assistant caretaker ng nasabing resort na minsan nang nakatanggap ang biktima ng tawag sa cellphone mula sa isang nagpakilalang miyembro ng CPP-NPA na diumano’y nangingikil ng malaking halaga ng pera bilang revolutionary tax para sa operasyon ng resort na posibleng naging sanhi ng pagdukot dito.

Bunsod nito, hiningi ni Camarines Norte PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng publiko para sa pagtukoy sa lokasyon ng ginamit na sasakyan at iba pang impormasyon na makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng biktima at mga suspek sa insidente

Nakipag ugnayan na rin ang kapulisan ng Camarines Norte sa iba pang kalapit na probinsya upang makatulong sa pagsasagawa ng follow-up at hot pursuit operation.

Nananatili ring nakaalerto ang kapulisan sa buong probinsya para sa ikalulutas ng naturang insidente ng pagdukot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *