BABAENG PASAHERO NG BUS, NATAGPUANG WALA NG BUHAY NG MAKARATING SA TERMINAL SA BAYAN NG DAET

BABAENG PASAHERO NG BUS, NATAGPUANG WALA NG BUHAY NG MAKARATING SA TERMINAL SA BAYAN NG DAET

Wala ng buhay ang isang babaeng pasahero ng makarating sa terminal ang bus na sinasakyan nito na biyaheng PITX- Daet nitong nakatalikod na araw ng Martes, Marso 22, 2022.

Kinilala ang biktima na si Apple Edlyn Perolino y Bola, 28 anyos, residente ng Brgy. Lag-on sa bayan ng Daet at pansamantalang naninirahan sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa ulat ng Daet Municipal Police Station,  dakong 7:30 ng gabi nang ipaabot sa kanilang tanggapan ng mismong drayber ng Superlines Bus na may body number 769 ang sitwasyon kung saan wala ng malay ang biktima pagdating sa Pentagon terminal.

Agad na nagtungo  ang kapulisan sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon at ayon sa salaysay ng drayber, ang biktima ay sumakay mula sa PITX Parañaque City kasama ng nasa 6 na taong gulang na anak nito patungong bayan ng Daet.

Habang binabaybay umano nila ang Maharlika Highway sa bayan ng Talisay patungo sa Pentagon Terminal, ipinaalam sa kanya ng isa sa kanyang pasahero ang tungkol sa biktima na hindi umano tumutugon sa pag gising ng anak nito na wala ng humpay sa pag iyak.

Agad umanong nagmadali ang driver na makarating sa nabanggit na terminal upang humingi ng tulong at atensyong medikal sa mga tauhan ng pulisya na nakatalaga sa lugar.

Dinala ng mga rumespondeng tauhan ng Daet PNP ang biktima sa CNPH para sa medikal na atensyon ngunit idineklara itong patay ng nakatalagang doktor.

Samantala, ang ang anak ng biktima na kasama nito ay agad na ibinigay sa pangangalaga ng kanyang tiyahin.

Samantala, nakatakdang sumailalim sa post mortem examination ang biktima upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito habang patuloy rin ang imbestigasyon ng kapulisan.

Nagpaabot naman ng pakikiramay at kahandaang tumulong sa usaping pinansyal ang pamunuan ng Superlines Bus Corp. sa pamilya ng nasawi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *