ARE YOU A BOBOTANTE?!

ARE YOU A BOBOTANTE?!

Marahil sa puntong ito ay narinig mo na ang mga salitang “pag-asa ng bayan”, “maaasahan”, “tapat na maglilingkod”, “pagbabago”, “magseserbisyo”, “maka-masa”, at kung anu ano pang mga salita na madalas mong marinig sa iba’t ibang malalakas na campaign jingle na nagsisilbing alarm clock sa kasarapan ng tulog mo tuwing umaga, o kaya naman ay maririnig at makikita mo rin sa mga radio, TV, at social media ads. 

Isang senyales na kailangan na naman ng mga kandidato ang mahalagang boto mo dahil malapit na naman ang eleksyon. 

Ito rin ang panahon kung saan marami pa rin sa atin ang tila nasa punto pa rin ng pagiging uto-uto pagdating sa pagboto o yung mga tinatawag na “bobotante”. 

Sila ang mga taong makamayan lang, mangitian, makindatan, mayakap, makapagpa-selfie, mabigyan ng t-shirt, maabutan ng baller, pinagbigyan sa tagay, pukulan ng candy, makantahan, at masayawan lang ay solb na! Pasok na sa listahan ng paglalaanan nila ng sagradong boto. 

Take note, sila rin ang mismong mga taong paulit-ulit at maraming reklamo sa basura, kriminalidad, kahirapan, presyo ng bilihin, trabaho, korapsyon, at maingay ng videoke ng kapitbahay matapos ang eleksyon.

Kung nasa punto ka ngayon na ayaw mapabilang sa kanilang hanay at naguguluhan ka pa sa mga pipiliing susunod na mangunguna sa inyong lugar at sa ating bansa, at kung first time voter ka, hayaan mong bigyan kita ng kakaunting tips sa paano ba natin kikilatisin ng mabuti ang mga nanliligaw sa atin para isama ang kanilang pangalan sa ating balota. G?

Una, alamin muna natin ang trabaho ng mga tumatakbong kandidato:

May dalawang tungkulin ang mga kumakandidato sa panahong ‘to at sila ay nabibilang sa dalawang sangay ng gobyerno: (1) Ang legislative (senator, congressman, provincial board members, vice-governor, municipal/city councilors, at vice-mayor); at (2) Ang executive (president, vice-president, governor at mayor).

Ang pangunahing trabaho ng mga nasa legislative branch ay gumawa ng batas, mag-amyenda, pakipagdebate, at i-repeal ito kung hindi angkop. Uulitin ko, GUMAWA-NG-BATAS, at hindi mamigay relief goods, magpa-feeding program, mag-pagawa ng kalsada o iba pang imprastraktura, clean-up drive, o magpa-zumba sa barangay – na bagama’t nakakatulong ay bonus na lang ‘yun kumbaga, PERO hindi nila talaga pangunahing trabaho. 

Hindi lang ito basta pag-gawa ng batas, tungkulin din nilang bumalangkas ng batas na naaayon sa pangangailangan ng bansa, probinsya, o munisipalidad/siyudad na kanilang nasasakupan.

Hindi madaling gumawa ng batas lalo na kung hindi mo ito kayang idepensa sa panahon ng deliberasyon ng mga maaaring kumwestyon dito. Kaya yung mga nagsasabing “gagawa ako ng batas para sa blah! blah! blah!”, bilang isang botante, pag-isipan niyo munang maigi kung:

(1) Alam ba niya kung paano gumawa ng batas? 

(2) relevant ba ang nais na ipasang batas sa kung ano talaga ang kailangan?; 

(3) may katuturan ba?; 

(4) makatotohanan ba?; at 

(5) maipatutupad ba ng maayos? 

kung sabit sila kahit isa sa mga tanong na yan, mukhang kailangan mo nang magduda ng kaunti.

Kaya sa mga kumakandidato sa legislative position, hanapan niyo sila ng konkretong paliwanag at kaparanaan kung paano nila maipatutupad ang mga plano nilang imungkahing ordinansa at batas. 

Mahirap kasing mapapakinggan mo lang sila na mangangako na pararamihin ang trabaho, pero kapag tinanong mo kung paano nila gagawin ‘yun e sasagutin ka ng “Basta gagawin natin yan kapag ibinoto mo ko at nanalo ako”, mas malabo pa yun sa burak ng estero – at sa pangarap mong bumait. 

Kung incumbent naman, hanapan nyo sila ng mga naipasa nilang batas o ordinansang makabuluhan tulad ng tamang segragation ng basura, at paglilimita sa dalawang episode ng pinapanood na series sa Netflix kada araw.

(PAALALA: Madaling sabihin na “ako ang author ng batas na ‘yan.” kaya ugaliing maging batayan ang mga dokumento o lehitimong impormasyon na makikita sa internet kung mayroon man.)

Pangalawa, ang executive branch. Ang trabaho ng mayor at governor ay siguruhing naipatutupad ng maayos ang mga batas at napapapangasiwaan ito ng mabuti. Tungkulin din nitong magsagawa ng makabuluhang programa, proyekto, at plano na naaayon pa rin sa pangangailangan ng nasasakupan. 

Sinisiguro rin ng isang mayor at governor ang maayos na mga records, documents, at offices transactions. Nakakagawa at nakapagpaptupad siya ng mga makabuluhang programa at proyekto na kailangan ng mga tao. Sa madaling salita, dapat sinisiguro nitong naibibigay ng maayos ang mga kailangan ng iba’t ibang sektor ng komunidad, gayundin ang katiwasayan at kalinisan nito.

Mas malaki, malawak, kumplikado, at marami naman ito pagdating sa posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo.

Marahil sa pagkakataong ito ay may tanong ka kung “sino ba ang karapat-dapat kong iboto sa dinami-rami ng mga tumatakbo?”

Gudyab! gumagana ang brain cells mo, apir tayo! ?? 

Dahil naipaliwanag ko na ang ilan sa mahahalagang tungkulin ng mga tumatakbo, hayaan mo namang bigyan kita ng paraan ng pagkilatis sa kanila. G!

Kung incumbent ang kandidato o muling tumatakbo sa parehong posisyon. Una mong tingnan ang track record. 

Naisakatuparan ba niya ang mga ipinangako nya nung una siyang nangampanya? Naging maayos ba ang kanyang trabaho? naisakatuparan ba niya ang dapat makita sa kung ano man ang tungkuling ginagampanan niya? at kung sa kabuuan ay nakakita ka naman ng pagbabago (kahit kakaunti) sa inyong lugar o sa bansa sa pamamagitan ng mga batas o ordinansa, o mga programa at proyekto (tangible man o hindi).

Kung nagkaroon man ng isyu ng anomalya o korapsyon, mas maging matalino ka dapat. Alamin mo muna kung may may bearing ba ang kasong isinampa o wala, o kung nahatulan ba ito o napawalang-sala. Malaki kasi ang impact ng tinatawag nating “image” pagdating sa pagpili ng lider.

Importante rin na alamin mo kung ano pang mga plano nila kung sakaling mananalo ulit sila. Hanggat maaari, pakinggan, isipin, at ilista ang mga plataporma na ibibigay nila sayo. 

At kung manalo man, abangan mo kung magagawa ba nila lahat ng ipinangako nila nung nililigawan ka nila sa boto mo. Dahil kung hindi, may dahilan ka na para hindi na sila pagbigyan sa susunod nilang pagtakbo. Naniniwala pa rin akong mahalaga ang “honesty” at “palabra de honor” sa isang pulitiko.

Kung first time candidate naman ang haharap sa’yo, una mong tignan ang background nito gaya ng educational attainment, mga naging trabaho, organizations na kinabilangan, at iba pang aspetong may kinalaman sa pagiging isang public servant. 

Kumbaga sa aplikante sa trabaho, advantage na kung may relevant experiences ang isang kandidato at kung siya ba ay may tinapos na degree. Mahalagang malaman natin ang mga bagay na ito dahil ito rin ang magsisilbing isa sa mahahalagang gabay natin kung sila ba talaga ay may alam sa larangan na kanilang nais pasukin.

Hindi naman kasi pwedeng ang irarason lang sayo kung bakit siya tumatakbo ay para makatulong sa mahihirap (na palagi na nating naririnig). Kung pagtulong lang naman pala ang dahilan ng kanilang pagtakbo, e di sana nagtayo na lang sila ng foundation, at gumawa ng kaliwa’t kanang charitable activities. Ang paghawak ng posisyon sa gobyerno ay mas malalim pa sa konsepto ng pagtulong sa mga mahihirap.

Masyado na kasing gasgas ang rason na “pagtulong sa mga mahihirap”, “maayos na pamumuhay”, “pauunlarin ang buhay”, “pag-aalaga sa kalusugan”. Ang kailangan nating alamin ay yung detalyadong plano, at hindi yung general statements.

Importante pa rin ang kahit papaano ay may basic knowledge na sa kung anumang posisyong tinatakbuhan. Katulad din ng mga incumbents, bilang unang sabak sa pulitika, mahalagang mapakinggan mo rin ang kanilang mga plataporma at siguruhing hindi ito suntok sa buwan. 

Ilista rin ang kanilang mga plano at kung sakaling manalo. Obserbahan kung maisasakatuparan nila ito, dahil kung hindi, alam mo na ang gagawin. ?

Rekomendado ko ring makinig ka sa mga meeting de avance o caucus. Wag ka lang mabibigla sa mga maririnig mo dahil sa kultura ng pangangampanya tila normal na ang sagutan tungkol sa mga sinasabi sa kanila ng katunggali sa posisyon, basta siguruhin mo lang na mas malaman ang platapormang ibibigay nila sayo na maririnig mo, at hindi kakain ng maraming oras ang pagbatikos sa kalaban nila.

Sobrang selan ng darating na halalan. Dito lagi nakasalalay kung anong direksyon ang tatahakin ng lugar mo at bansa natin sa susunod na tatlo at anim na taon. Maling sagwan o maaaring agawan lang sa sagwan ay unti-unting tumabingi ang bangkang sinasakyan nating lahat. 

Naniniwala pa rin akong kaya nating umubos ng mga “bobotante” hanggat naibibigay lang natin ang mga bagay na kailangang tandaan na makapagbibigay sa ating lahat ng pangmatagalang kaayusan. 

Higit sa lahat, ang pagkakaroon ng prinsipyong hindi basta natutumbasan lang limangdaan o sanlibong piso para sa pansamantalang kaginhawaan.

Good luck sa ating lahat! ?

-Edwin Datan, Jr.

©️photo: Philstar.com

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *