MOTORSIKLONG SAKAY ANG TATLONG KALALAKIHAN SUMALPOK SA ISANG SASAKYAN, DRAYBER AT DALAWANG ANGKAS NITO SUGATAN

MOTORSIKLONG SAKAY ANG TATLONG KALALAKIHAN SUMALPOK SA ISANG SASAKYAN, DRAYBER AT DALAWANG ANGKAS NITO SUGATAN

Isang aksidente sa kalsada ang naganap dakong 9:10 ng gabi nitong Hunyo 1, 2022 sa kahabaan ng Maharlika Highway tapat ng JMA Minimart Express, Purok 2, Brgy. Pamorangon, Daet, Camarines Norte.

Tatlo ang sugatan sa nasabing aksidente na kinasasangkotan ng isang  Suzuki Smash na motorsiklo kulay itim at ng  isang Toyota Wigo na kulay gray metallic. Ang nabanggit na motorsiklo ay minamaneho ni alyas “Baylon, nasa hustong gulang kasama ng dalawang angkas nito na sina alyas “Allan”, nasa hustong gulang,  residente ng San Antonio, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte at si alyas “Josh”, nasa hustong gulang at residente ng Alanao, Lupi, Camarines Sur. Samantala, minamaneho naman ni alyas “John”, 36 anyos, may asawa at residente  ng Happy Homes Pamorangon, Daet, Camarines Norte ang nabanggit na sasakyan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, habang binabaybay ng Toyota Wigo ang kahabaan ng kalsada patungo sa direksyon ng bayan ng Basud ay dahan-dahan itong lumiko sa kaliwa papasok sa JMA Minimart express. Pagkapasok sa parking lot ng nasabing establisyimento, aksidenteng nabangga ito sa may front passenger side door ng sangkot na motorsiklong mabilis ang patakbo na patungo sana sa sentro ng Daet. Dahil sa lakas ng pagkabangga, ang tatlong sakay ng motorskilo ay bumagsak at nahulog sa sementadong kalsada na naging dahilan upang sila ay magtamo ng malalaking pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan. Maswerte namang ligtas at walang tinamong pinsala ang drayber ng sasakyan. Agad namang dinala ng mga tauhan ng MDRRMO ang mga biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa medikal na atensyon kung saan sila ay naka-confine ngayon habang nagpapagaling at para sa karagdagang obserbasyon. Ayon sa nakatalagang doktor, ang tatlong biktima ay positibo lahat sa alcoholic breath.

“Pinapaalalahanan po natin ang lahat na kung maari ay palagiang sumunod sa batas trapiko. Kung tayo po ay nakainom ng alak, huwag na po sana tayong magmaneho dahil baka ito ang maging mitsa ng ating mga hiram na buhay. Magsilbi po sanang aral sa ating mga motorista ang mga aksidenteng kahalintulad nito. Pag-ingatan po natin ang ating mga sarili para sa mga mahal natin sa buhay na naghihintay sa ating paguwi.”- PLTCOL De Jesus

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *