PAGTAAS NG PASAHE SA BAYAN NG DAET, PINAG-USAPAN NG PASAHERO, DRIVERS AT OPERATORS SA PUBLIC HEARING!

PAGTAAS NG PASAHE SA BAYAN NG DAET, PINAG-USAPAN NG PASAHERO, DRIVERS AT OPERATORS SA PUBLIC HEARING!

Dinaluhan ng mga tricycle operators, drivers at mga commuters and isinagawang public hearing na pinangunahan ng Sangguniang Bayan ng Daet sa pangunguna ni Municipal Vice Mayor Atty. Godfrey Parale na idinaos sa Central Plaza Atrium, Central Plaza Complex, Barangay Lag-on sa bayan ng Daet ngayong Biyernes, September 2, 2022.

Ang isinagawang public hearing ay patungkol sa kahilingan ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association of FETODA na labing-limang piso ang minimum fare para sa unang dalawang kilometro habang dalawang piso naman ang idadagdag sa bawat 2 succeeding kilometers.

Naglabas ng saloobin ang ilan sa mga tricycle operators at drivers tungkol sa kanilang sitwasyon. Ayon kay Mr. Elmer Ara, kalihim ng FETODA, kulang na aniya ang kinikita nila bilang isang drayber dahil sa mataas ng gasolina at sa pagtaas na rin ng mga bilihin kung kaya’t ang kanilang kahilingan ay paboran ang kanilang kahilingan na dagdag pasahe na ngayon ay isinu-sulong na ordinansa sa Sangguniang Bayan.

Pabor naman ang mga dumalong commuters sa public hearing sa isinusulong na dagdag pasahe ng FETODA. Katunayan ay naiintindihan pa ng mga ito ang sitwasyon ng mga drayber dahil batid nila ang pagtaas ng gasolina at iba pang bilihin.

Ayon kay Ms. Nadine Morena,  hindi umano kailangan magkaroon ng iringan sa panig ng FETODA at mga pasahero sa halip ay dapat magtulungan ang mga ito upang magkaroon ng solusyon sa kasalukuyang kinakaharap na isyu tungkol sa pagtaas ng pasahe.

Patuloy namang pag-aaralan ng Sanggunian Bayan ng Daet ang usaping ito upang ikonsidera ang lahat ng mga impormasyon na nakuha sa pamamagitan ng isinagawang Public Hearing.