By: Blaise Henry Ilan
Nagtataka ba kayo kung bakit pa tayo may All Saints day gayong bawat Santo ay may kanya kanyang araw naman ng kapistahan? Sino sino ba ang inaalala natin tuwing November 1?
Ang araw ng mga banal o All Saints’ day ay isang natatanging kapistahan ng Simbahang Katolika para sa mga santo na hindi opisyal na recognized ng simbahan. Sila ang mga indibidwal na posibleng naabot ang status ng “sainthood” pagkatapos ng kanilang kamatayan.
SINO BA ANG MGA SANTO?
Sa kasalukuyan ay merong mahigit 10,000 Santo ang kinikilala ng simbahan matapos ang masusing pag-aaral sa kanilang mga buhay at pagdaan sa proseso ng “beatification” at “canonization”. Ngunit, alam rin ng simbahan na marami pang indibidwal ang posibleng naabot ang “sainthood” dahil sa pananampalataya at kabutihang kanilang ipinamalas habang sila ay nabubuhay. Sila ang mga “lesser known saints” na hindi nabigyan ng pagkakataon na mapag-aralan ang buhay or dumaan sa proseso ng canonization, kasama rin sila sa mga inaalala natin tuwing November 1.
PWEDE BA AKO MAGING SANTO?
Ang araw na ito ay napapanahon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay inaanyayahan na maging Santo o kabahagi sa kaharian ng Diyos. Lahat tayo ay posibleng maging Santo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo at aral ng simbahan at pag-aalay ng buhay at sarili sa Panginoon at sa kapwa. Hangga’t tayo ay nabubuhay, tayo ay mga potential saints.
Malay mo, isa sa mga namayapa mong mahal sa buhay, katrabaho, o kakilala ay naging “santo” na pala!!