LALAKI TIKLO SA ISINAGAWANG SEARCH WARRANT OPERATION SA BAYAN NG LABO

LALAKI TIKLO SA ISINAGAWANG SEARCH WARRANT OPERATION SA BAYAN NG LABO

Isang lalaki ang natiklo ng mga operatiba ng Labo Municipal Police Station kasama ang 1st PMFC sa pangkalahatang pangangasiwa ni PLTCOL ANDY O ROSERO, Chief of Police sa ikinasang search warrant operation dakong alas 5:06 ng umaga nitong Enero 22, 2023 sa Purok 5, Brgy. Guisican, Labo, Camarines Norte.

Ang suspek ay kinilalang si alyas Mar, 30 anyos, may asawa, isang Rice Mill operator at residente ng nabanggit na lugar. Naaresto ang suspek matapos na silbihan ng search warrant na inisyo ni Judge Leo L Intia ng RTC Branch 64 na may petsang January 20, 2023. Sa isinagawang paghahalughog ng kapulisan ay nakuha sa pagmamay-ari ng akusado ang labing tatlong (13) piraso ng selyadong plastik na pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at tumitimbang ng humigit kumulang 1.03 gramo. Ang nasbaing iligal na droga ay umaabot sa halagang Php7,000.00.

Samantala, ang nabanggit na operasyon ay nasaksihan ng mga mandatory witnesses na kinabibilangan ng mga opisyales ng nasabing barangay at media mula sa DWLB FM. Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Artricle II ng RA 9165 ang nasabing suspek.

“Ang inyong kapulisan ay patuloy ang mga isinasagawang aktibidad at iba’t-ibang pamamaraan upang masawata at matuldukan ang pagpapakalat ng droga sa ating probinsya mailigtas at maisalba lamang ang ating mga kabataan at lahat ng mamamayan..” -PLTCOL ROSERO.

Source/photo: CNPPO PIO