CamNorte LTO Chief may Babala sa Publiko
Nagbabala si CamNorte Land Transportation Office chief Dina David sa publiko na huwag makipag transaksyon sa mga fixer na umaaligid malapit sa kanilang opisina.
Ayon kay David ay sobrang pananamantala ang ginagawa ng mga ito sa ilang kliyente na pumapayag na ‘magpalakad’ sa mga transaksiyon sa LTO.
“Huwag silang makipag transaksiyon sa mga fixer sa labas (ng LTO office) kasi kung tutuusin wala naman itong maitutulong sa kanila,” pahayag ni David. “I-endorse lang sila tapos sisingilin sila ng sobrang mahal.”
Inihalimbawa nito ang pagkuha ng affidavit na dapat ay P300 lamang ang halaga subalit sa fixer ay maaaring tumaas hanggang sa P1,000.00, idinagdag nito na maging ang online exam na libre ay sinasabi ng mga ito na may bayad.
“Mabilis lang naman ang legal na transaksiyon sa LTO at hindi nila kailangan ang fixer,” sabi ng hepe. “Yun iba nga na sorpresa na madali lang naman pala ang proseso.”
Idinagdag nito na bukas ang kanilang tanggapan sa mga nais dumulog upang maparusahan ang mapang abusong mga fixer.
Sa katunayan aniya ay may naipakulong na ang ahensiya na ilan sa mga gumagawa ng ilegal na aktibidad sa tulong ng awtoridad nitong nakalipas na taon.
Sa ilalim ng Anti-Red Tape Law (R.A. 9485) ay maaaring mapatawan ng kaparasuhan na pagkakakulong ng hanggang anim (6) na taon at pagbayarin ng halagang aabot sa P200,000.00 kapag napatunayang fixer ang isang indibidwal.

