Tulong Para sa mga Sari-Sari Store Owners

Tulong Para sa mga Sari-Sari Store Owners

20 taon ng nagtitinda sa kanyang maliit na sari-sari store si Fe Castillo, 56, sa Brgy.Palanas, Paracale sa CamNorte. Sa pamamagitan nito ay naitawid niya ang pagtatapos sa pag-aaral ng kanyang tatlong anak.

Noong Marso 10 sa Labo Sports Complex ay isa si Fe sa napiling benepisyaryo sa Unang Distrito ng lalawigan na tumanggap ng P3,500 mula sa Sari-Saring Pag-Asa Program ng magkapatid na senador na sina Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano, at sa pakikipagtulungan kay 1D Cong.Josie Baning Tallado sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.

“Ibibili ko ng isang sakong bigas at iba pang pang tinda,” sabi ni Castillo na aminado sa hirap ng buhay ngayon. “Noon maganda pa ang kita dahil mura pa ang bilihin pero ngayon kahit may kapital ka ay kakaunti ang mabibili.”

Ayon kay Enrique Perez, staff ni Sen. Alan Peter Cayetano, na ang programa ay “para makatulong at makadagdag sa paninda ng mga indigent store owners na nagsimula noong kasagsagan ng pandemya taong 2020.”

Sinegundahan ito ni Cong.Tallado at nagpahayag na simula pa lamang ito ng pagtutulungan nila ng dalawang senador upang makapagdala ng tulong sa kanyang mga kababayan.

“Kami po ay mga instrumento lamang para makatulong sa inyo,” pahayag ng kongresista. “Gamitin po natin ng tama ang tinatanggap nating tulong mula sa gobyerno.”

Norj Abarca, Camarine Norte News